SA pagbaba ng naitatalang arawang kaso ng mga nagpositibo, nangusap ang dalawang tanggapan ng gobyerno. Ayon sa Department of Health (DOH), low risk na ang buong bansa. Saad naman ng tagapagsalita ng Palasyo, matatapos na ang pandemya.
Sa kanilang tinuran, dapat balikan ang nakaraan. Hindi nga ba’t ganito rin ang akala ng dalawang tanggapan nang bumaba ang bilang ng mga tinamaan batay sa kanilang sariling talaan.
Ang siste, ang pagiging kampante ng mga taong gobyerno ang nagsisilbing mitsa ng panibagong peligro.
Walang dudang ang lahat ay nasabik na makalabas at maglamyerda sa haba ng panahong inilagi sa kani-kanilang mga tahanan bunsod na rin ng ipinatupad na paghihigpit ng pamahalaan bilang pag-iingat sa mamamayan.
‘Yan mismo ang dahilan kung bakit tila masyadong maaga pang buksan ang mga pasyalan. Partikular na dapat tutukan ang pagbalangkas ng mga alituntuning tugon sa natunghayan ng bayan sa pagbubukas ng kontrobersyal na pasyalan sa sentro ng Kamaynilaan.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nakapagtala ng negative growth rate sa loob ng dalawang linggo. Gayunman, mayroon pa ring anim na rehiyon na nasa ilalim ng “moderate risk” classification – bagay na dapat munang pagtuunan bago pa magpakakampante.
Patunay ng pagkakampante ng gobyerno ay ang pagbubukas nito ng kontrobersyal na Manila Bay Dolomite Beach na dinagsa ng hindi bababa sa 4,000 katao, batay sa mga larawan sa iba’t ibang social media platforms.
Higit pa sa pasyalan ay ang estado ng mga pagamutang piniling lisanin ng healthcare workers na lubhang nakaligtaan ng ating pamahalaan.
Dapat din paghandaan ang posibilidad nang muling pagtaas ng kaso katulad ng nangyari noong nakaraang taon at nito lamang Abril at Agosto.
Paano kung biglang sumirit pataas ang mga kaso ng mga positibo? Sino kaya ang titindig para sa kalinga at asikaso kung ang mga pagamutan natin ay kulang na sa mga tao?
Ang mainam siguro ay maging handa kahit pa totoong papatapos na ang lintek na perwisyo.
