UMAASA ang pamilya ng biktima ng panghahalay na kaagad na maaksyunan ng office of the Ombudsman ang patong-patong na kasong kriminal at administratibo na isinampa nila laban kay Quezon Governor Danilo Suarez.
Bukod sa kasong obstruction of justice, accessory to the crime of child abuse at paglabag sa Paragraph (e) Section 3 ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act na isinampa sa Ombudsman kay Gov. Suarez dahil sa ginawa nitong pang-aareglo sa kinakaharap na kasong kidnapping with rape ni Lopez, Quezon, Municipal Councilor Arkie Manuel Ortiz-Yulde, ay ipinagharap din sa Ombudsman ng kasong kidnapping ang gobernadora, ng tumatayong testigo sa nangyaring pang-aareglo ng anak ni Gov. Suarez na si Atty. Joana Suarez, sa pamilya ng biktima na nagsampa ng kidnapping with rape laban kay Konsehal Yulde.
Sa limang pahinang sinumpaang salaysay ni Anamarie Santiago, tiyahin ng biktima, na naihain sa Ombudsman, sinabi nito na dakong alas-dos ng madaling araw noong Setyembre 22, 2021, ay ipinadukot siya ni Gov. Suarez sa tatlo nitong tauhan sa kanilang nirerentahang bahay sa Malabon City.
Kuwento ni Anamarie, natutulog sila ng kanyang kinakasama na si Rodel sa loob ng kanilang nirerentahang bahay sa Malabon City nang may biglang kumatok sa pintuan.
At nang buksan umano ni Anamarie ang pintuan kaagad na pumasok sa bahay nila ang tatlong armadong lalaki na nakasuot ng bonnet.
Kaagad umano siyang hinawakan sa braso ng isa sa armadong kalalakihan at sinabihan siyang sumama nang maayos sa kanila dahil ipinasusundo siya ni Governor Suarez.
Bago umano sila umalis ay binantaan pa umano ng tatlong dumukot sa kanya ang kanyang kinakasama na huwag itong magsusumbong sa pulis at sa kahit kanino dahil papatayin nila si Anamarie kapag ginawa niya iyon.
Sinabi ni Anamarie na kaagad siyang isinakay sa van na kulay puti at nakita niya sa loob ng sasakyan ang hipag niyang si Myrna na taga Mauban, probinsya ng Quezon, na siya umanong nagturo sa kanyang kinaroroonan. Dinala umano siya sa kapitolyo ng Quezon at doon siya pansamantalang ikinulong.
At noong Setyembre 24, 2021, dumating aniya si Gov. Suarez sa kapitolyo at nakausap niya ito, kung saan inatasan umano siya ng gobernador na tulungan sila upang makalabas ng kulungan si Councilor Yulde dahil kailangan niya umano ang konsehal para sa pagsasampa ng kaso sa Ombudsman laban sa isang opisyal ng DPWH Region 1.
Pinakiusapan umano siya ni Gov. Suarez na samahan ang anak nito na si Atty. Joana Suarez, sa tinutuluyang bahay ng pamilya ng biktima ng panghahalay ni Konsehal Yulde, dahil naniniwala ang una na alam ni Anamarie ang lugar kung saan nakatira ang pamilya ng biktima.
Iniharap si Anamarie ng grupong Citizens Movement Against Corruption, Crime, Illegal Drugs and Gambling, Inc. ng Lucena City, sa pamumuno ni Prof. Salvador Singson-de Guzman, sa media upang mailahad ang kanyang nalalaman kaugnay ng isinagawang pang-aareglo ng mag-amang Suarez sa kaso ni Konsehal Yulde sa pamilya ng biktima.
Samantala, isa namang City Mayor sa Visayas Region ang ipinagharap din ng kasong rape makaraang basagin ng isang dating beauty queen sa Tanjay City, Negros Oriental ang kanyang mahabang panahong pananahimik kaugnay ng kanyang sinapit sa kamay ni Mayor Reynaldo “Reycon” Concepcion ng Tanjay City, Negros Oriental.
Sa isinampang reklamo sa piskalya ng Dumaguete City, ng biktima na isang dating beauty queen ng Tanjay City, inaakusahan nito ng panghahalay si Mayor Concepcion at kasamahan nito na kinilalang sina Kenneth Aguilar at Gayle Gabas, na sinasabing miyembro ng SK Federation, bilang mga accessories sa krimen.
Batay sa salaysay ng biktima na si Ms. Tanjay City, naganap ang panghahalay sa kanya ng akusado noong gabi ng October 24, 2017, sa pakikipagkutsabahan nina Aguilar at Gabas na siyang nagpainom sa kanya ng alak na mayroong lahok na pampatulog.
Depensa naman ni Mayor Reycon, walang katotohanan ang paratang sa kanya ng biktima, at ang reklamo sa kanya ay may bahid umanong pulitika.
Naisampa na ng biktima ang kanyang reklamo sa Dumaguete City Prosecutors office na pinangunahan nina Deputy Provincial Prosecutor Marites Flores-Macabuhay at Provincial Prosecutor Eugene Salon, at naitala ang kaso bilang V211-00653.
Bukod sa nasabing mga reklamo ay nahaharap din si Mayor Reycon sa Office of the Ombudsman Visayas ng kasong paglabag sa RA 7160 (Code of Conduct and Ethical Standard of Public Officials and Employees) o Administrative Code of 1987, kaugnay naman sa isinampang reklamo ng Divine Word Funeral Home sa pangunguna ng complainant na si Baltazar Magtortor Jr.
Samantalang pinagpaliwanag din si Mayor Reycon ng Commission on Audit (COA) kaugnay naman ng pinaggastusang pondo ng lungsod noong taong 2020.
