NANGAKO si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mas palalakasin ng gobyerno ang kampanya nito laban sa teroristang grupo.
Ang pahayag na ito ng Pangulo ay matapos masawi ang anim na sundalo sa isang engkuwentro laban sa Islamic State-linked Dawlah Islamiyah (DI) group sa isang remote village sa Munai, Lanao del Norte noong nakaraang linggo.
“Hindi natin makakalimutan ang kanilang kadakilaan at kabayanihan. Ipagpapatuloy natin ang kanilang ipinaglaban, at uusigin natin ang mga kalaban ng kapayapaan,” ayon kay Pangulong Marcos sa kanyang vlog sa YouTube.
“Ipinapangako natin sa kanilang mga mahal sa buhay, at sa sambayanang Pilipino, na ating ipadarama sa kanilang mga naulila, ang pagmamahal at pagkikilala ng pamahalaan sa kanilang nagawang sakripisyo,” dagdag na wika nito.
Tinuran ng Punong Ehekutibo na kinikilala at pinahahalagahan ng pamahalaan ang sakripisyo at katapangan na ipinakita ng anim na sundalo na nasawi dahil sa pagtupad sa kanilang sinumpaang tungkulin na tiyakin ang kapayapaan at kaayusan at labanan ang terorismo sa bansa.
“Tayo po ay sumasaludo sa sakripisyo ng ating anim na sundalo na nagbuwis ng buhay sa isang enkwentro, upang tayo ay protektahan laban sa mga terorista,” ayon sa Pangulo.
“Ang kalungkutan na ating nadarama sa sakripisyo ng ating anim na magigiting na sundalo ay gagamitin nating lakas upang ibayong pagsikapan natin na sugpuin ang mga teroristang naghahasik ng panganib sa ating mamamayan,” diing pahayag nito.
Sa ulat, nasawi ang anim na sundalo habang apat ang sugatan sa naganap na engkwentro sa Brgy. Ramain, Munai, Lanao del Norte sa pagitan ng militar at mga miyembro ng Daulah Islamiyah, nitong Linggo.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Public Affairs Office Chief Col. Xerxes Trinidad, nagsasagawa ng Decisive Military Operation ang militar sa lugar nang makaharap ang humigit kumulang 15 miyembro ng DI.
Dalawang miyembro ng Daulah Islamiyah naman ang nasawi sa bakbakan at ilan pa ang sugatan base sa intelligence Information.
Dahil dito, umabot na sa 18 ang kabuuang bilang ng mga DI na na-neutralisa ng militar kasama na si alyas “engineer” na mastermind sa Mindanao State University (MSU) bombing.
(CHRISTIAN DALE)
468
