MAHILIG at makilahok sa sports ang mga Pinoy with disability at differently-abled.
Ito ang goal ni 2000 Sydney Paralympics Powerlifting bronze medalist Adeline Dumapong-Ancheta, na patuloy sa paghikayat sa mga kababayang may kapansanan na lumaban at magtagumpay sa sports.
“Ang contribution ko is to encourage them into sports, in any sport [lalo na] after kong manalo ng medal sa Paralympics. Nakaka-challenge talaga working on encouraging our people into sport,” pahayag ni Dumapong-Ancheta sa tuwing Huwebes na TOPS Usapang Sports on Air.
Kasama niya ring dumalo sa weekly sports forum na suportado ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements Board (GAB) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), sina Philippine Paralympics Chess team head coach James Infiesto at multi-titled at world chess champion Sander Severino.
Inamin ni Dumapong-Ancheta na malaking challenge sa kanya na himukin ang mga kababayang may kapansanan na makilahok sa sports, lalo’t batid niyang karamihan ay prayoridad ang pagkain na ilalaman sa kanilang mga tiyan.
Ngunit kailangan aniyang mapalaganap ang pagpapalakas sa isip at katawan sa pamamagitan ng sports sa mga disabled at differently abled.
Sinegundahan naman ito ni Infiesto, na nagsabing handang tumulong ang mga pinuno ng national chess team sa disabled at differently abled athletes.
“We change lives, we can change lives. That’s why we need our people to show up kasi until now may mga kababayan tayong ayaw lumabas, itinatago, hindi pinapahintulutan ng mga magulang, family members, close relatives and it’s still a fact. We need to have the numbers, and we still don’t have, so that we can sustain and develop more of them in the future,” wika niya.
Idinagdag ni Infiesto na kailangang pasimulan ng mga lider ng bawat national sports association (NSA) at Local Government Units (LGUs) ang iba’t ibang programa at mailapit ang mga ito sa iba’t ibang sektor kabilang ang disabled at differently-abled athletes.
“Ang dapat gawin ng mga sports leaders natin ay ‘wag hintayin na may lalapit, tayo ang mag-initiate at magsalita. We need to go there, katukin ang LGUs at NSAs, mandated for sports for all program. Every barangay may hahawak ng committee na yan. All we have to do is ask and claim it.”
Aminado si Dumapong-Ancheta na malaki na ang naibigay na suporta ng gobyerno, higit na ang PSC, Philippine Paralympic Committee at mga NSAs para mas mapaunlad, masuportahan at mabigyang pansin ang mga para-athletes.
Ngunit kailangan aniyang patuloy na isama sa lahat ng usapin ang mga pananagutan at pagmamalasakit sa mga gaya niyang differently-abled athletes.
352 