AYAW ni Senate President Francis Chiz Escudero na magkaroon ng pagkakataon ang kampo ni Vice President Sara Duterte na kwestyunin ang magiging proseso ng Senado oras na magsimula na ang impeachment trial.
Ito anya ang dahilan kaya’t nag-iingat siya upang hindi mabutasan at mabigyan ng pagkakataon si VP Duterte na dumulog sa korte at magkaroon naman ng pagkakataon ang Supreme Court na manghimasok o makialam sa kanilang aksyon na aniya’y political process.
Ipinaliwanag ni Escudero na dapat maging malinaw sa kanilang rules ang saklaw ng kapangyarihan ng Senado para sa pagdaraos ng impeachment trial dahil kung hindi ay posibleng kada galaw nila ay iaakyat lamang sa Korte Suprema.
Nakasaad sa rules ng Senado na ang Senate President ay dapat sumunod sa order ng impeachment kaya kailangan na maging maingat sila sa bagay na ito at hindi maging padalos-dalos.
Tiniyak naman ni Escudero na magiging patas ang Senado upang wala rason na kwestyunin ang mga hakbang kapag nag-convene na ang impeachment court. (DANG SAMSON-GARCIA)
