(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
TAHASANG inakusahan ng isang Mindanaoan lawyer ang mga mambabatas na pumirma ang mga ito sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte dahil may kapalit na ayuda.
Panawagan pa ni Atty. Israelito Torreon, dapat mag-ingay at magmatyag aniya ang mamamayan sa bawat hakbang sa impeachment.
Patutsada pa niya, “kapakinabangan lang sa pulitika ang habol” patungkol sa mahigit 200 kongresista na pumirma sa impeachment laban kay Duterte.
Naniniwala si Torreon na wala isa man sa anim na grounds ng impeachment ang pinagbatayan ng mga reklamo laban sa Pangalawang Pangulo.
Inilutang din niya ang posibilidad na papanagutin si House Speaker Martin Romualdez kaugnay sa dereliction of duty o pagpapabaya sa kanyang tungkulin.
Ito’y dahil sa kabiguan nitong aksyunan ang tatlong naunang impeachment complaints sa loob ng ten session days na nakasaad sa batas.
Matatandaan na ang tatlong impeachment complaints laban kay VP Sara ay naihain noong December 2, 4 at 19, 2024 sa Kamara habang ang ika-apat ay nito lamang February 5.
Kamakalawa, naghain ng petisyon ang kampo ni VP Sara sa Korte Suprema na humahamon sa ‘validity at constitutionality’ ng 4th impeachment complaint laban sa kanya.
Kabilang sa mga respondent ng petisyon sina House Speaker Martin Romualdez, House Secretary General Reginald Velasco at Senate President Francis Escudero.
Bukod ito sa petisyon ng apat na Mindanaoan lawyers para harangin ang impeachment proceedings laban kay VP Sara.
