ISANG kandidato sa posisyon ng kongresista sa ika-limang distrito ng lungsod ng Quezon ang nagwawala sa pagkagalit. Dangan naman kasi, ang dapat sana’y mata niya sa kampo ng kalaban sa pulitika, biglang nakonsiyensya at tuluyang kumanta.
Bistado ang modus ng kandidatong nagpunla ng espiyang inatasang palihim na nagbabato ng mga impormasyong gamit sa paninira. Ito ang kwento ni Ginang Aiza Mojica Cabazares at ng kanyang rebelasyong laman ng isang sinumpaang testimonya.
Sa tatlong pahinang salaysay, pulido ang pagkanta ni Gng. Cabazares na umano’y ginamit ng magkapatid na pulitiko – sina outgoing Quezon City 5th district Rep. Alfred Vargas at ng kanyang nakababatang kapatid na konsehal Patrick Michael Vargas na kandidato sa posisyong iiwan ng kuyang kongresista.
Batay sa mga patutsada ng mag-utol na Vargas sa katunggaling bagito sa pulitika, pera-perang kampanya umano ang gimik ng kanilang bagitong kalaban sa pulitika.
Ang siste, baliktad naman pala. Dangan naman kasi, umamin mismo ang kanilang itinalagang espiya sa kampo ng kalabang bagito sa pulitika. Ani Cabazares ng Novaliches, bukod sa sahod bilang tauhan ni Konsehal Vargas, kabi-kabila ang bonus at biyaya ang ibinibigay sa kanya kapalit ng mga impormasyong ipinapadala niya sa isang Sybhel Cordero na tumatayong hepe ng mga Vargas sa larangan ng PR at social media.
Bukod sa malimit na padala ng salaping kabayaran sa bawat impormasyon, may libreng cellphone pang swak na swak para sa mga litratong puntirya.
But wait, there’s more. Pinangakuan pa umano ng tuta ng kongresista si Cabazares na palalayain ang kapatid na dinampot at ipinakulong ng isang barangay chairman na kaalyado ng mag-utol.
At may bonus pa! Pinangakuan din siyang ililipat sa mas maayos na bahay na malayo sa lugar na kanyang tinitirhan sakaling mabulilyaso.
Susmaryosep! Pakyawan palang mangako ang mag-utol na Vargas! Ang siste, malabong mangyari ‘yun lalo pa’t sa programang pekeng pabahay sumablay si Rep. Vargas na kuya ng nangangamoteng konsehal. Ika nga ng isang kaibigang miron: ‘Yung pangakuan ka’y sapat na. Ang hangarin pa ang katuparan… aba’y kalabisan na.
Katunayan, may asunto sa Office of the Ombudsman ang kongresistang Vargas bunsod
ng reklamong inihain ng hindi bababa sa 500 pamilyang sumuka ng pinaghirapang ipon (‘yung iba nga, nangutang pa) bilang kabayaran sa isang pekeng pabahay sa mismong distritong kanyang pinagharian sa loob ng siyam na taon.
At ngayon, kapatid naman ang isinusulong sa pwestong lilisanin pagsapit ng Hunyo. Para saan at kailangang maupo ang batang Vargas sa pwesto? Para pagtakpan ang kuya niyang bulilyaso?
Uy… hindi bobo, at lalong wala nang planong magpauto sa inyo ang mga residente ng ika-5 distrito. Wanna bet?
(Si Fernan Angeles ay editor-at-large ng SAKSI Ngayon)
327
