Kapag hindi napagkaisa ‘COUP’ NAMUMURO SA KAMARA

NAGBABALA ang isang political analyst na posibleng magkaroon ng coup d’etat sa mababang kapulungan ng Kongreso kung mabibigo ang liderato na pagkaisahin ito.

Ayon kay Vic Endriga, kung hindi mapagkakaisa ni House Speaker Lord Allan Velasco ang Kamara ay maaaring mauwi ito sa “coup” kung saan isa sa nais iupo ng mga mambabatas ay si House Majority Leader at president ng Lakas-NUCD Martin Romualdez o si NUP President at Dasmarinas Rep. Elpidio Barzaga.

May mga nagpapalutang din umano sa pangalan ni Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta na maaaring humalili sa pwesto ng Speaker.

Nauna na umanong nagpahayag si Davao Rep. at Presidential Son Paolo “Pulong” Duterte na hindi maliit na bagay ang ginawang isyung loyalty check sa kanya ng ilang mga kaalyado sa House

Majority kaya naman sa halip na manatili sa pwesto ay nagdesisyon itong magbitiw bilang chairman ng House Committee on Accounts, ang pwestong ibinigay sa kanya ni Velasco nang maupo ito bilang House Speaker.

Noong nakaraang Linggo pa maugong na nagpaalam si Pulong kay Velasco na iiwan na ang makapangyarihang komite ngunit patuloy umano itong hinihilot ng mga kaalyado ng huli.

Sa sesyon noong Lunes sa Kamara, Nobyembre 23, nag-abang din ang mga nagkokober na reporters sa kumalat na impormasyon na ihahayag na ni Pulong sa Plenary ang kanyang pagbibitiw subalit hindi nangyari. Ayon sa isang kongresista na ayaw magpabanggit ng pangalan, ito ay dahil patuloy na tinatanggihan ni Velasco ang pagbibitiw ni Pulong.

Ang desisyon ni Pulong na iwan ang Accounts Committee ay resulta ng kontrobersiyal na eksena sa selebrasyon ng kaarawan ni Velasco noong Nobyembre 9. Sa nasabing pagtitipon ay sinabihan umano ni AAMBIS-OWA Party-list Rep. Sharon Garin si Pulong sa harap ng mga kaalyado nila na “Hindi ka naman bumoto kay Velasco pero nagkaroon ka ng pwesto,” ang insidente ay humantong sa komosyon na naawat din kalaunan.

Kasunod nito ang paglutang ng Viber messages umano ni Pulong na nagsasabing didistansya na siya sa ruling majority.

Ibinunyag pa ng source na para hilutin si Pulong ay itinalaga ni Velasco ang malapit nitong kaibigan na si House Committee on Appropriations chairman at siya ring caretaker ng Benguet na si

ACT CIS Party-list Rep. Eric Yap na maging vice chairman ng House Committee on Accounts.

Ang House Committee on Accounts ay tinuturing na “plum” position sa Kamara, ang nasabing panel ang in-charge sa internal budget ng chamber kaya tanging ang pinagkakatiwalaan at handpicked ng Speaker ang itinatalaga rito. Matatandaan na sa term sharing agreement sa Speakership sa pagitan nina Velasco at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ay ito lamang ang leadership post na kanilang napagkasunduang papalitan.

Aminado ang ilang mambabatas na kung tuluyang didistansya si Pulong sa mayorya sa Kamara ay katumbas na rin ito ng pagkawala ng suporta ng administrasyon.

Nabatid na bigo rin si Velasco na makuha ang suporta ng Nacionalista Party (NP) sa Kamara nang tanggihan ni Las Pinas Rep. Camille Villar ang alok nitong posisyon bilang Deputy Speaker. (DAVE MEDINA)

333

Related posts

Leave a Comment