HINDI dapat balewalain sakali’t mag-requesT ang International Criminal Court (ICC) na arestuhin o ihatid ang taong ‘subject’ sa ICC jurisdiction, kapag idinaan na ito sa Interpol.
Ang paliwanag ni Executive Secretary Lucas Bersamin sa press briefing sa Philippine International Convention Center sa Pasay City, bagaman hindi pa rin nagbabago ang posisyon ng Pilipinas hinggil sa ICC at ang withdrawal ng Pilipinas mula sa ICC ay may bisa na, sinabi ni Bersamin na mapipilitan ang gobyerno ng Pilipinas na tumugon sa request kung idadaan na ito ng ICC sa Interpol.
“If the ICC makes a move and courses the move through the Interpol and the Interpol makes the request to us for the arrest or delivery of a person subject to ICC jurisdiction, we will respond,” ang sinabi ni Bersamin.
“‘Yung position is wala na tayo sa jurisdiction ng ICC pero that does not necessarily mean that the order of the ICC enforced through the Interpol is to be ignored… I’m not saying ‘yung ICC ang inaano natin, ‘yung Interpol ang pinagbibigyan natin,” dagdag na pahayag ni Bersamin.
Sa kabilang dako, sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na handa na ang Pilipinas na makipag-usap sa ICC sa gitna ng gumugulong nitong imbestigasyon sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Taliwas ito sa sa mga naging pahayag niya noon na hindi makikialam ang Pilipinas sa imbestigasyon ng ICC dahil kumalas na ang bansa sa Rome Statute o ang tratado sa pagbuo ng ICC.
May mga bahagi aniya ng usapin na maaaring makipagtulungan ang pamahalaan at matalakay ang mga isyu na may hangganan.
Nagsampa sa ICC ng reklamo ang mga biktima umano ng extrajudicial killings dahil sa naturang kampanya.
Ang paliwanag ni Remulla, ang pakikipagtulungan sa isang international tribunal ay pinapayagan naman sa batas ng Pilipinas. Patunay aniya rito ang paglabas-masok sa bansa ng ilang kinatawan mula sa ICC. (CHRISTIAN DALE)
19