MAHIGPIT na nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa kanilang mga opisyales na nakatalaga sa international airports, na bawal silang mag-post ng videos na sumasayaw o kumakanta (Tiktok) habang naka-duty at unipormado.
Sa memorandum na inisyu sa lahat ng port personnel ni Immigration Port Operations chief, Atty. Carlos Capulong, nakasaad na maaari silang maharap sa administrative cases for insubordination and misconduct.
Ayon kay Capulong, ipinag-utos ni BI Commissioner Jaime Morente sa kanya na imbestigahan ang mga ulat na may BI employees na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang patuloy na nagpo-post ng videos sa Tiktok na kuha habang sila ay naka-duty at naka-uniporme.
“I was instructed by Commissioner Morente to hold these errant employees liable by forwarding their cases to our board of discipline for investigation and filing of the appropriate administrative cases,” ani Capulong.
Pinaalalahanan din ang BI personnel na mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng cellphone at iba pang gadgets habang sila ay naka-duty.
Sinabi pa ni Capulong na maaari namang mag-Tiktok ang mga empleyado ng BI kung sila ay hindi naka-duty at hindi naka-uniporme dahil sarili naman nila ang kanilang mga gadget.
Matatandaan, noong Disyembre ng nakaraang taon ay ipinagbawal ni Morente sa BI employees na mga unipormado ang pagpo-post sa Tiktok, dahil nakakababa ito sa integridad ng bureau bilang isang institusyon.
“Our policy on the wearing of the BI uniform is clear. As public servants, employees must proudly wear their uniform at all times, present a professional image to the public and observe proper decorum and good taste in all their actions while they are on duty,” ani Morente sa nasabing memorandum.
Idinagdag pa niya na ang Tiktok videos ay nagpapababa ng reputasyon ng BI at nakagagawa ito ng negatibong imahe para sa personnel ng ahensya, lalo na ang frontline Immigration officers. (JOEL O. AMONGO)
202
