KAPURI-PURI SI GEN. ABERIN BILANG NCRPO CHIEF

TARGET NI KA REX CAYANONG

MULING pinatunayan ng Philippine National Police-National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO), sa ilalim ng matatag at masigasig na pamumuno ni Brigadier General Anthony Aberin, na walang puwang ang ilegal na droga sa ating lipunan.

Sa loob lamang ng mahigit isang buwan—mula Enero 1 hanggang Pebrero 15 ngayong taon—ay umabot sa P124 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam sa pinaigting nilang kampanya.

Isang napakalaking tagumpay ito hindi lamang para sa NCRPO kundi para sa buong bansa. Ang 15.26 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P103.79 milyon, pati na rin ang 146.77 kilo ng marijuana na nagkakahalaga ng P17.61 milyon, ay patunay ng masigasig at walang kapagurang operasyon ng ating kapulisan.

Idagdag pa rito ang iba pang ipinagbabawal na substance na nagkakahalaga ng mahigit P2 milyon—isang malinaw na indikasyon na hindi nagpapabaya ang NCRPO sa kanilang mandato na linisin ang ating mga lansangan mula sa salot ng droga.

Ngunit higit pa sa nakumpiskang mga droga, ang pagkakadakip sa mahigit 1,867 drug suspects ay nagpapakita ng epektibong estratehiya ng NCRPO.

Hindi lamang nila tinututukan ang pagsamsam ng ilegal na droga kundi maging ang pag-aresto sa mga personalidad na sangkot dito. Ang ganitong klaseng pagpapatupad ng batas ay isang malaking hakbang patungo sa mas ligtas at mas maunlad na komunidad para sa ating mamamayan.

Sa ilalim ng liderato ni General Aberin, patuloy na pinalalakas ng NCRPO ang kanilang mga operasyon laban sa droga, ipinakikita ang pagiging mapanuri, maagap, at walang takot sa pagsasakatuparan ng kanilang tungkulin.

Ang kanyang dedikasyon sa paglaban sa ilegal na droga ay isang inspirasyon hindi lamang sa hanay ng pulisya kundi maging sa publiko na nangangarap ng isang lipunang malaya sa salot ng droga.

Sa isang panahon kung saan patuloy na hinahamon ang ating gobyerno sa isyu ng droga, kailangang kilalanin at purihin ang mga pinunong tulad ni General Aberin.

Dahil dito, marapat lamang na bigyan ng buong suporta ang NCRPO sa kanilang krusada laban sa ilegal na droga.

Aba, sa totoo lang, ang tagumpay nila ay tagumpay ng buong sambayanan.

Saludo kami sa inyo, General Aberin—isang tunay na lingkod-bayan, isang lider na may malasakit, at isang haligi ng kaayusan sa ating lipunan.

11

Related posts

Leave a Comment