OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO
MINSAN pang napatunayan na kapag maayos ang namumuno ay magiging maayos din ang pagsunod ng kanyang mga nasasakupan.
Isang matibay na halimbawa rito ang nakaraang Super Typhoon Karding na talaga namang nagdala ng malaking pangamba sa mga dinaanan nitong mga lugar sa Southern, Central at Northern Luzon.
At tulad nga ng forecast ng PAGASA ay talagang napakalakas ang paghagupit ni Karding sa iba’t ibang lugar na nagresulta sa pagkasira ng mga imprastraktura at pananim sa maraming bahagi ng Luzon.
Habang isinusulat ang kolum na ito ay tinataya na umabot na sa P160 milyon ang nasirang mga pananim na may katumbas na pagkasayang ng produksyon na 7,457 metric tons ng palay, mais, iba pang high value crops at maging mga produktong mula sa mga palaisdaan.
Subalit ang isang kapansin-pansin, bagama’t naging malaki ang pinsalang dulot ni Karding sa mga pananim at ari-arian, ay ang mababang bilang ng mga nasawi na dulot ng kalamidad.
Ang sabi nga nila, ang mga pananim at ari-arian ay maaaring mapalitan, subalit ang hindi na maibabalik pa kapag nawala ay ang buhay ng tao dahil hindi ito matutumbasan ng anomang halaga.
At dahil nga sa mababang bilang ng mga nasawi na sa huling tala ay aabot lamang ng walo ay maituturing na ring tagumpay ang ginawang paghahanda at preparasyon ng pamahalaan laban kay Karding.
Kabilang nga sa walong nasawi ay ang limang rescue volunteers sa Bulacan na kinilala ang kabayanihan matapos ma madisgrasya nang matamaan ng gumuhong pader ang rescue boat na gamit nila.
Dahil sa nangyaring mababang bilang ng mga nasawi ay dapat bigyang papuri si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na personal na pinangunahan ang pagbibigay ng instruksyon sa mga dapat gawin sa kasagsagan ng bagyo.
Tiniyak ni PBBM na kontrolado ng LGUs at concerned government agencies tulad ng NDRRMC, DSWD, DND, DILG, PNP at iba pa ang sitwasyon, at nakahanda rin silang maghatid ng tulong sa mga lugar na mangangailangan nito.
Sa kanyang press briefing, sinabi ni PBBM na malaking bagay ang ginawang preparasyon at pre-emptive evacuations ng LGUs at mga responsableng ahensya na nagresulta sa mas mababang bilang ng mga nasawi.
“I think it’s clear from what we did this last two days, is that preparation is very, very important,” sabi ni Marcos.
Bukod sa maayos na preparasyon, dapat bigyang kredito rin ang maayos na pamumuno ni PBBM dahil kusang sumunod ang mga tao na magsagawa ng kinakailangang mga paghahanda at evacuation matapos iutos ng mga namumuno sa sa kanila.
Pagpapakita ito ng mataas na respeto ng mga tao at ng local leaders kay PBBM sapagkat kusang loob silang nakipagtulungan para maging mas maayos ang preparasyon laban kay Karding.
Kaya naman dapat sana na ito na ang maging praktis ng ating mga namumuno at mamamayan sa darating pang mga natural na kalamidad, upang maiwasan ang pagkasawi ng marami nating mga kababayan.
At mangyayari lamang ito kung tuluyan nang matututo ang ating mamamayan na maging disiplinado at marunong sumunod sa mga namumuno sa kanila sa pangunguna ni PBBM.
