KARNAP NA MOTORSIKLO NABAWI DAHIL SA FB

CAVITE – Pinaghahanap ng mga tauhan ng Cavite Police ang taong nagbenta ng isang nakaw na motorsiklo makaraang arestuhin ang tatlong kalalakihan na nag-post ng nasabing sasakyan sa Facebook para ibenta ito ngunit nakilala ng tunay na may-ari na naninirahan sa bayan ng Indang sa lalawigang ito.

Unang sinampahan ng kasong paglabag sa Anti-Fencing Law ang arestadong mga suspek na sina Aries Poblete, 33; Miggie at Sherwin, kapwa 17-anyos at estudyante, dahil sa reklamo ni Louis Matthew Ambita, 21, pawang ng Indang, Cavite.

Ayon sa reklamo ni Ambita kay P/SMSgt. Arnel Julian ng Indang Municipal Police Station, nakita niya sa Facebook ang kanyang nawawalang motorsiklo na ibinebenta kaya humingi ito ng tulong sa pulisya.

Kinontak ni Ambita ang ‘seller’ ng nasabing motorsiklo at nagkunwaring interesado siyang bilhin kaya nagkasundong magkita dakong alas-12:20 ng hapon noong Biyernes sa sa Indang Public Market, sa Poblacion 4.

Sa puntong ito ay nadakip ang tatlong mga suspek makaraang mapatunayan na pagmamay-ari ito ng biktima base sa deskripsyon at makina nito.

Ayon sa record ng pulisya, nawala ang motorsiklo ni Ambita noong Hunyo 28, 2020 sa habang nakaparada sa Silang Public, Market.

Ngunit depensa ng tatlo, nabili nila ang motorsiklo sa Dasmariñas City halagang P8,000 ngunit ipinaayos ito para maibenta at ini-post sa Facebook.

Nangako naman ang tatlo na makikipagtulungan para mahuli ang taong nagbenta sa kanila ng nasabing motorsiklo. (SIGFRED ADSUARA)

139

Related posts

Leave a Comment