SUGATAN ang braso ng isang 46-anyos na karpintero makaraang salagin ang jungle bolo na inihataw sa kanya ng isang isang lalaki noong Huwebes ng hapon sa Vitas, Tondo, Manila.
Kinilala ang biktimang si Eusebio Buri, binata, ng Barangay 105, Tondo, Manila.
Nakatakas naman ang suspek na si alyas “Kagurang” sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ni Police Captain Eric Casuncad, hepe ng Smokey Mountain Police Community Precinct, sakop ng Raxabago Police Station 1 ng Manila Police District.
Ayon sa report ng isang Wilfredo Negro, security guard ng Tondo Medical Center, dakong alas-12:50 ng hapon nang isugod sa ospital ang biktima dahil sa sugat sa kanyang braso.
Ayon sa ulat ng nagrespondeng sina Police Staff Sergeant Jerwin Locloc at Police Corporal Jersan Manaloto, nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa nang makita ng suspek ang pag-aari niyang mga kahoy sa dingding ng bahay ng biktima.
Hanggang sa undayan umano ng jungle bolo ng suspek ang biktima na sinalag naman nito ng kanyang kaliwang braso.
Nahaharap sa kasong frustrated homicide ang suspek na patuloy pang tinutugis. (RENE CRISOSTOMO)
88