KARTEL TARGET NG SMUGGLER

MINSAN pang pinatunayan ng isang notoryus na smuggler na lahat posible depende sa diskarte.

Bagama’t hindi maikakailang sukdulang yaman na ang dulot ng kanyang kabuktutan, hangad naman niya ngayon ay ang pagpapalawig ng iligal na negosyo. Ang kanyang target – kartel para sa pagpupuslit ng mga sigarilyo.

Ayon sa impormante, nagkukumahog ang sikat na smuggler mula sa Mindanao ng angkop na taong magdadala naman sa kanyang sindikato sa Metro Manila kung saan siya nakakakita ng higit sa dobleng kita.

Ang kanyang diskarte, pagpapasok din ng mga pekeng sigarilyo sa daungan sa Maynila at mga karatig lalawigan. Bakit nga naman hindi – ‘di hamak na mas malaki ang kanyang kikitain sa dami ng tao sa Metro Manila at mga karatig rehiyon ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Ang totoo, jackpot na siya sa Mindanao dahil ang kanyang operasyon at kalakal, pasok sa lahat ng puerto sa nasabing isla sa gawing timog ng kapuluan. Maging ang ibang lalawigan sa Visayas, kontrolado na rin niya ayon mismo sa ating impormante. Karaniwang pinalulusot ang kanyang mga kargamento sa Port of Davao, Port of Surigao, Port of Cagayan de Oro at Port of Zamboanga.

Pero dahil naliliitan na siya sa yamang tinatamasa, pakay niya ngayong makopo ang buong bansa sakaling makapasok nga siya sa Metro Manila, bagay na nais niyang maisakatuparan sa lalong madaling panahon.

Kapag nagkataon, sasakit ng husto ang ulo ng mga local cigarette manufacturers. ‘Di hamak kasing mas mura ang paninda ng smuggler dahil ‘di naman din siya nagbabayad ng angkop na taripa sa pamahalaan.

Eh sino naman kaya ang kanyang kinakausap sa BOC? Ang sigurado, hindi siya makikipagkasundo sa pipitsuging opisyal lamang.

Sambit pa ng ating kasangga, hindi basta-basta ang kita ng naturang iligalista – tumataginting na P90 milyon kada container. Wow, jackpot!

Sa ating pagsisiyasat, positibo ang pirata. Ang kanyang mga ipinupuslit na epektos, mula pala sa bansang Indonesia.

Huh? Hindi ba’t may mga ulat hinggil sa mga sigaril­yong nasasabat ng BOC sa Mindanao? Ayon sa ating kasangga, bahagi yun ng kanyang modus – kunwaring huli ang kapiraso para ang operasyon disimulado. Wala nga naman bulilyaso sa mga kunsintidor na puerto dahil may maipi-prisintang mga huling sigarilyo.

Sa aking pagtatanong-tanong, santambak pa pala ang kanyang nakaimbak na sigarilyo at ito mismo ang nais niyang tiyaking magiging pera sa Metro Manila at mga karatig lalawigan ng kabisera.

oOo

Para sa sumbong, makipagugnayan sa email: opera­rioj45@gmail.com o sa telepono: 0919-2595907.

340

Related posts

Leave a Comment