KASABWAT SA MURDER NAKORNER NG PNP-PRO5

NAKORNER ang isang umano’y kasabwat sa kasong murder sa Juban, Sorsogon, sa ikinasang law enforcement operation ng PNP-PRO5 sa Quezon City noong Miyerkoles.

Ayon sa ulat na natanggap ni PNP-PRO5 Regional Director P/BGen. Jonnel C. Estomo, unang nadakip ng Juban Municipal Police Station si Bren Del Santos Tarrayo noong Martes dahil sa kasong murder.

Habang sa isinagawang follow-up operation ay nahuli naman si Pol Copiaco Gepaya, ang 29-anyos na kasabwat umano ni Tarayo, assistant veterinary at residente ng Brgy. Aroroy, Juban, Sorsogon, bandang alas-10:04 umaga sa SM Fairview, Quezon City.

Nasakote si Gepaya ng pinagsamang mga elemento ng Juban MPS at Sorsogon 2nd PMFC sa bisa ng warrant of arrest sa kasong murder, walang inirekomendang pyansa, na inisyu ni Hon. Judge Rofebar F. Gerona, presiding judge ng RTC Fifth Judicial Region Branch 53, Sorsogon City noong Enero 18, 2011.

Ang suspek ay tinaguriang number 7 municipal level most wanted person ng Juban MPS.

Si Gepaya ay itinuturong katulong ni Tarayo nang pagtatagain ang biktimang si Salvador Gruta noong taong 2010 gamit ang bolo sa ‘di na nabatid na dahilan.

Ang biktima ay tinamaan ng mga taga sa leeg at sa iba pang bahagi ng katawan na nagresulta sa agaran nitong pagkamatay.

Sa kasalukuyan, nasa pangangalaga na ng mga operatiba ng Juban MPS ang suspek.

“Kahit saan mang panig ng mundo kayo magtago, ‘di kami mapapagod na kayo’y hanapin at iharap sa korte upang pagbayaran ang nagawa n’yong kasalanan. Nais lang namin na mabigyan ng hustisya ang inyong nabiktima at mapanatiling tahimik ang rehiyong Bicol sa mga tiwaling walang magawa sa kanilang buhay. Lubos din ang aming pasasalamat sa mga suportang ipinapaabot n’yo sa PNP Bicol, harinawang ‘wag kayong magsawa para sa mas tahimik at maunlad na pamayanan,” pahayag ni RD Estomo. (JESSE KABEL)

115

Related posts

Leave a Comment