KASO NG KORUPSYON ISINAMPA LABAN SA MGA OPISYALES NG BFAR

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

GRABE pala ang “cooking makaw” sa bidding ng mga kontrata sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), ito ang ibinulgar ng isang magaling na abogado na si Atty. Fay Singson, at hindi tsismis ang yarian sa bidding involving P2.165 billion sa ilegal na pagbili ng mga bangkang pangisda ng mga opisyal ng ahensiyang ito na nasa ilalim ng Department of Agriculture (DA).

May personal knowledge si Atty. Singson sa lutong makaw na transaksyon na ito, dear readers, at ‘pag may personal na kaalaman ang isang tao, aba, sigurado na may paglalagyang kulungan ang mga kasangkot sa anomalya.

Kinasuhan ng graft complaint ay sina: Isidro M. Velayo Jr. dating OIC-BFAR at nakaupong BFAR Assistant Director for Technical Services, at Zaldy P. Perez, chairperson ng BFAR Special Bids and Awards Committee (SBAC).

Ay, nalintikan na, ano ba ito, bidding-bidingan, kunwari ay may totoong bidding pero iyon pala, may favorite nang kausap na mananalo sa bilyones pesos na bilihan ng fishing vessels.

Eto pa, ang respondents sa kasong katiwalian na mga miyembro ng SBAC, ay masisibak ‘pag napatunayang totoo ang korupsiyon, ay… pag naduling sa kinang ng datung, nakalilimot ang isang mahinang nilalang.

Iba pang respondents: na miyembro ng ng SBAC ay sina Ida Capicio, Imelda Calixto, Sonia Somga, at Atty. Felizardo Palumbarit, at mga kasapi ng Technical Working Group (TWG) at Secretariat na sina: Joeren Yleana, Engr. Francis Acel Cabrera, Ma. Teresa Duguiles, Pierre Easter Velasco, Isidro Tanangonan, Capt. Neil Valdez at Robert Cana, at sina Ada Korina Togonon, Rene Zaldy Porlaje ay Jennifer Viron.

Ups! May kasangkot pa sa kaso, sina Pauline Ngo, president/CEO ng Joint Venture of Dynacast Shipbuilding and Repairs, Inc., at ng Dynamic Power & Marine Industrial Hardware, Inc, at si Gelanie Baydal, authorized representative sa “bidding-biddingan” kuno, ayon sa isinampang kaso ni Atty. Singson.

Sa reklamo ni Atty. Singson, nilabag ng mga respondent ang RA 9184 (Government Procurement Reform Act), RA 3019 (Graft and Corrupt Practices Act), RA 6779 (Ombudsman Act of 1989) at Executive Order 292 (Administrative Code of 1987).

Mabigat pala itong si Atty. Singson, kasi, siya pala ay dating senior official ng Office of the Ombudsman (OMB), kaya alam na alam niya ang mga batas na nilabag ng mga respondent.

Sa kanyang opisyal na pahayag, sinabi ni Singson na kailangang mapanagot ang mga respondent, kasi po, bilang mga opisyal at may katungkulan sa gobyerno, ang mga paglabag ay taliwas, kontra sa interes at kapakanan ng taumbayan, lalo na at sangkot ay bilyon-bilyong piso ng taxpayers.

“I am compelled to file the charges against BFAR officials so that government resources and interest shall be protected at all times,” sabi niya.

Tama po, dapat mapanagot, maparusahan ang mga taong ito, kung mapatunayang korap, kasi ‘pag hindi sila nakasuhan, ang talo ay ang mamamayan.

Dagdag pa ni Atty. singson, kusa, lantaran, ni walang tangkang itago ang anomalya sa pagbili ng fishing vessels sa pinagtibay na Joint Venture na ito, na ang ginamit na mga dokumento ay pinalsipika o sa salitang kanto, “dinoktor” upang palabasing totoo at walang anomalya.

Kahit na nga falsified ang mga dokumento, sabi ni Atty. Singson, “xxx the respondents never disqualified the Joint Venture and even proceeded in the anomalous awarding of a contract worth P526 Million in favor of the Joint Venture.”

Grabe pala ito, at sa isinampang kaso, ang mga inirereklamo ay nagpakita ng sinasadyang sabwatan, at kahit alam na malulugi at mapipinsala ang gobyerno, ang award ay ibinigay sa kanilang “favored” bidder.

Sana, sa pormal na pag-upo nina Paran̈aque 2nd District Rep. Brian Yamsuan at Las Pin̈as City Rep. Mark Anthony Santos ay maghain sila ng resolution upang maimbestigahan ang maanomalyang bidding-bidingan na ito sa BFAR.

Teka, tanong lang: Wala kayang mga boss sa DA na may alam sa korupsiyong ito ng isa sa kanilang ahensiya, just asking.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

31

Related posts

Leave a Comment