KASO NG VOTE BUYING UMAKYAT; BILANG NG KARAHASAN BUMABA

votebuying14

(NI JG TUMBADO)

MAS tinutuunan ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang pinaigting na pagmomonitor sa lumalaganap na vote buying sa buong kapuluan kaugnay sa May 13 midterm national elections.

Ito ay kasunod ng pagbaba ng insidente ng karahasan at tumaas naman ang bilang ng pamimili ng boto.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Col. Bernard Banac, naitala ang 32 kaso ng pre-election violence ngayong taon na malaking pagbaba kumpara sa 106 noong 2016 elections.

Habang noong 2013 ay 94 ang kaso ng karahasan na may kinalaman sa halalan at noong 2010 ay nasa 138.

Sinabi ni Banac, ito ay dahil posibleng naka-focus ang mga pulitiko sa vote-buying imbes na makasakit ng kalaban o maghasik ng karahasan.

Samantala, nasa 15 reklamo ng vote-buying ang iniimbestigahan na ngayon ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).

Ayon kay PACC commissioner Greco Belgica, 10 kaso ng vote-buying ang naiparating na sa Law Department ng Commission on Elections (Comelec)

Sinabi naman ng National Movement for Free Elections (Namfrel) na ‘wholesale’ na ang alokasyon para sa vote buying kung saan umaabot ito mula P200,000 hanggang P500,000 sa ilang lugar.

Ayon kay NAMFREL secretary general Eric Jude Alvia, bulto na ang vote buyers at kasabwat ang ilang multi-level marketing networks.

359

Related posts

Leave a Comment