(BERNARD TAGUINOD)
KINONTRA ng mga mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso ang reckless driving na isinasampang kaso sa mga driver at pasahero nito na hindi nagsusuot ng face mask sa loob ng sariling sasakyan.
Sa pagdinig ng House committee on transportation na pinamumunuan ni Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, kinontra ng mga mambabatas ang nasabing kaso dahil ito ay para lang sa mga paglabag sa pagmamaneho ng sasakyan.
“Kung tingnan natin ang definition ng reckless driving under RA 4136 (Land Transportation and Traffic Code), hindi niya contemplated ang pagsusuot ng face mask as violation of reckless driving,” ani Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon.
Sa pagtatanong ng mga mambabatas, sinabi ni LTO Chief Edgar Galvante na ang parusang nakasaad sa nasabing batas ay ipapataw sa mga driver na hindi nagsusuot ng face mask kahit solo ito sa pribadong sasakyan.
Nangangahulugan na pagmumultahin ng P2,000 ang mga tsuper na mahuhuli sa unang paglabag at P3,000 sa ikalawa at aabot pa ng hanggang P10,000 sa ikatlong paglabag.
Hindi ito matanggap ni Nueva Ecija Rep. Micaela Violago dahil nasa gitna pa ng pandemya ang bansa kung saan walang regular na kita ang mamamayan na mapipilitang magluwal ng napakalaking halaga kapag nakalimutan ng mga ito na magsuot face mask.
Dapat umanong ikonsidera ng LTO ang pagpapataw ng parusa o multa sa mga mahuhuling driver dahil makadaragdag lamang ito sa kanilang paghihirap ngayong may pandemya.
