KASUMPA-SUMPANG bakasyon kung bakasyon ang turing ni Atty. Harry Roque sa isang taon na lockdown dahil sa pandemya na dulot ng COVID-19 na hindi pinigilan ng kanyang gobyerno ang pagpasok sa ating inang bayan.
Hindi ko alam kung talagang pagod na si Mang Harry kaya hindi nya muna iniisip ang binibitawan na salita kung nakakasakit ba yun o hindi bago niya buksan ang kanyang bibig.
Saan ka naman nakakita na bakasyon na nawalan ka ng kita, nawalan ka ng hanapbuhay, nagutom ka at ang pamilya mo ay takot na takot kang magkaroon ng COVID-19.
Ang alam ko sa bakasyon, wala kang iniisip kundi ang magsaya. Hindi mo problema ang pera dahil nakabudget ang pagbabakasyon mo at gusto mong takasan ang mga problema na nagbibigay stress sa iyo.
Pero itong mag-iisang taon na pamdenya na naging dahilan para makulong sa kanilang bahay ang mga tao, naging dahilan para magsara ang mga negosyo at limitado ang kilos mo, hindi po yan bakasyon Mang Harry.
Parusa ang tawag dyan, hindi bakasyon. Gutom yan, hindi yan bakasyon at paghihirap yan, hindi bakasyon. Buti ka, kahit paaano sumasahod ka kahit nasa gitna tayo ng pandemya dahil kayong mga taga-gobyerno, bumagsak man ang ekonomiya tuloy ang sahod nyo.
Eh ang mga ordinaryong mga tao, walang kita kapag hindi nagtrabaho. Yung mga nagtrabaho, nabawasan ang kita kaya papaano mo sasabihin na “Napakatagal na po nating nakabakasyon, halos isang taon na tayong nakabakasyon dahil sa COVID-19… Siguro naman po, ngayong nandito na ang bakuna, hayaan naman nating maka-recover tayo for the lost time.”?
Nakakarami ka na Mr. Secretary ha. Masyado kang madada at nakakasakit ka na ng damdamin ng mga tao na naghihirap at hindi alam kung kailan tuluyang maaalis sa “bakasyon” na sinasabi mo para guminhawa na ang buhay.
Kung pagod ka na, dapat magpahinga ka na o magpahinga ka muna Mang Harry at isalba mo ang natitirang reputasyon mo para muli kang makapagturo ng international law pagkatapos ng termino ng administrasyong kinabibilangan mo.
Kailangan mong alagaan ang sarili mo (hindi sa sakit) dahil matatapos at matatapos ang termino ng amo mo sa ayaw at sa gusto nyo. Ilang buwan na lang ba kayo sa Malacanang?
Palagay mo may maniniwala pa ba sa iyo pagkatapos ng termino nyo at maibabalik ang paggalang ng mga tao sa iyo noong ikaw ay hindi pa nabibigyan ng kapangyarihan sa gobyerno?
Paano na lamang pala ang pagtuturo mo ng international law sa University of the Philippines (UP) at iba pang Law school kung sakali eh naiba ang pananaw mo sa usapin ng West Philippine Sea na inagaw na ng China sa sambayanang Filipino?
May mga dating spokesman ng mga nakaraang pangulo ng bansa na binigyan na lamang ng permanenteng posisyon na malayo sa mata ng publiko at media pagkatapos ng kanilang termino at mayroon ding ipinakiusap na lang na bigyan ng trabaho sa pribadong sektor bago natapos ang kanilang termino
Ayaw ko namang mangyari yan kay Mang Harry dahil balita ko ang galing galing nyang magturo at medyo bata at tiyak na mapapakinabangan ng bansa ang kanyang dunong.
Kaya kung ako si Mang Harry, medyo ingat sa pagsasalita at pagtrato sa mga kagawad ng media na nagkokober sa kanya dahil hindi naman panghabambuhay na nasa poder ang kanyang amo.
