PUNA ni JOEL O. AMONGO
SA darating Hunyo 7, 2025 ay magreretiro na si PNP chief, Gen. Rommel Francisco D. Marbil kaya nakatutok na ngayon ang atensyon sa kung sino ang susunod na mamumuno sa 230,000 miyembro ng pambansang pulisya.
Isa itong napakahalagang transisyon na hindi lamang basta regular na pagpapalit ng liderato – maaari itong makaapekto sa pambansang seguridad, operasyon ng pulisya, at kinabukasan ng bansa.
May apat na pangalan ang umiikot sa Camp Crame at sa mga usapan sa hanay ng mga opisyal: sina PNP No. 2 Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez, Lt. Gen. Edgar Allan Okubo, MGen. Nicolas Torre III, at NCRPO chief BGen. Anthony Aberin. Lahat sila’y tinitingnan ang kanilang kredibilidad, ngunit sa kasalukuyang panahon, higit pa sa seniority at husay ang kailangan. Ang pinakamahalagang pamantayan: tapat ba sila sa pangulo?
Sa apat, si Nartatez ang itinuturing na pinakamalakas na kandidato. Bilang Deputy Chief for Administration, siya ang pangalawa sa pinakamataas na posisyon sa PNP. Gayunman, laman siya ng mga bulung-bulungan ukol sa pagiging malapit niya kay Senadora Imee Marcos, kapatid ng Pangulo, na madalas ay may sariling direksyon at pananaw na taliwas sa Malacañang.
Pinapalala pa ito ng mga alegasyon sa social media, lalo na sa mga vlog at mga post ng pro-Marcos influencers, na si Nartatez umano ay “mole” o tagapag-ulat ng senadora sa loob ng PNP. Kung totoo man, ito ay seryosong usapin ng loyalty na hindi dapat balewalain.
Mas lalo pang lumalala ang kontrobersiya dahil sa mga paratang na kumakalat sa social media at ilang vlog na may koneksyon diumano si Nartatez sa mga operator ng ilegal na sugal at droga. Bagama’t hindi pa ito napatutunayan ng pormal na imbestigasyon, ang dami ng usapin sa publiko ay sapat para ikabahala.
Samantala, si MGen. Nicolas Torre III ay lumutang bilang matapang na lider sa hanay ng pulisya. Ang kanyang papel sa mga sensitibong operasyon, kabilang na ang pag-aresto kina Apollo Quiboloy at dating Pangulong Rodrigo Duterte, ay nagpapakita ng kanyang kahandaang isakatuparan ang mahihirap na utos ng kasalukuyang administrasyon. Subalit, ang kanyang pagiging prominente ay maaaring maging dahilan ng pagtarget sa kanya ng ilang makapangyarihang sektor.
Sina Lt. Gen. Okubo at BGen. Aberin ay tahimik ngunit epektibong mga opisyal. Si Okubo, dating hepe ng SAF at ng Directorate for Integrated Police Operations, ay kilala sa kanyang matatag at hindi maingay na pamumuno. Si Aberin, bilang hepe ng NCRPO, ay kilala sa kanyang mahinahon ngunit maayos na pamumuno sa Metro Manila.
Dahil sa pabago-bagong kalakaran sa pulitika, lalo na matapos ang pagkapanalo ng oposisyon sa Senado, ay mas tumindi ang pangangailangang ang susunod na hepe ay dapat na may matibay na paninindigan at malinaw na katapatan sa pangulo.
Hindi ito panahon para sa eksperimento. Ang maling pinuno ay maaaring magpahina sa law enforcement efforts ng administrasyon at magdulot ng kaguluhan sa loob ng hanay. Sa kabilang banda, ang tamang pinuno ay magiging pananggalang laban sa kaguluhan.
Habang papalapit ang Hunyo 7, kailangang pumili si Pangulong Marcos Jr., hindi lamang batay sa ranggo kundi batay sa katapatan. Ang kinabukasan ng kanyang administrasyon ay posibleng nakasalalay sa susunod na mamumuno sa PNP.
Hindi ito biro, sa rami ng hahawakang tao ng uupong bagong hepe ng pambansang pulisya, kaya dapat ang mailagay rito ay may integridad at igagagalang siya ng mga nasa ilalim niya.
-oOo-
Para sa reaksyon at suhestiyon, mag-email operario@gmail.com.
