ITO ang sagot ni Iloilo Congressman Lorenz Defensor na isa sa itinalagang House prosecutor sa impeachment trial sa pahayag ni Vice President Sara Duterte na gusto niyang matuloy ang paglilitis sa kanya dahil nais umano nito ng ‘bloodbath’.
Sa Hunyo 3 ay sisimulan na ng Senado na tatayong Impeachment court ang proseso subalit sa pagkatapos pa ng State of the Nation Address (SoNA) ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa July 28 sisimulan ang paglilitis
Inamin ni VP Duterte na nais ng kanyang defense team na harangin ang impeachment trial, lalo na’t marami umanong legal na paraan para gawin ito subalit nais niyang matuloy ang paglilitis sa kanya.
“Marami silang paraan sa batas as a legal recourse for their clients. Sinabihan ko na rin talaga sila, really, I truly want a trial because I want a bloodbath talaga,” ayon sa pangalawang pangulo sa mga Davao-based media.
“Maganda sigurong sabihin natin na ‘winner takes it all’ ang impeachment trial na ito. Hindi kailangan maging bloodbath. Gusto natin malinaw lang ang pagkakalatag ng ebidensya ng prosecution at ng defense team,” tugon naman ni Defensor.
Nagbabala naman si incoming Mamamayang Liberal (ML) party-list representative-elect Leila de Lima na mahaharap sa contempt ang grupo ni Duterte sakaling manggulo ang mga ito sa impeachment trial.
Ipinaliwanag ni De Lima na si Duterte lang ang isasalang sa impeachment trial kaya walang mangyayaring bloodbath sa hanay ng mga prosecution team, snator-judges, administration at higit sa lahat ay ang taumbayan.
“To stress, an impeachment trial is not a show of brute force but a sacrosanct constitutional process of accountability. No room for chaos, drama, and theatrics that Sara asked her defense team to orchestrate. Contempt ang naghihintay sa kanila if they even dare to,” ani De Lima.
Inaasahan na makakasama ang dating kalihim ng Kagawaran ng Katarungan sa prosecution team matapos tanggapin ang alok sa kanya ni House Speaker Martin Romualdez na maging bahagi ng mga mambabatas na magpo-prosecute sa bise presidente.
(BERNARD TAGUINOD)
