Kaugnay ng inabandonang balikbayan boxes ASUNTO KASADO NA VS. 9 CARGO FORWARDERS

Ni JOEL O. AMONGO

MATAPOS ang pitong buwang palugit na ibinigay ng pamahalaan sa mga bulilyasong cargo forwarding companies, sinampahan na ng kasong kriminal ang siyam na kumpanyang pinaniniwalaang responsable sa 7,000 balikbayan boxes na ipinadala ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa kanilang kaanak sa Pilipinas.

Sa kalatas ng Bureau of Customs (BOC), kabilang sa mga inasuntong consolidators at deconsolidators ang All Win Cargo LLC, Island Kabayan Express Cargo LLC, Carlos Martin Guinto Co., GM Multi Services, Anhar Al Mawalah Trading, CMG Int’l Movers and Cargo Services, Cargoflex Haulers Corp., FBV Forwarders and Logistics, Inc. at Etmar Int’l Logistics.

Pagtitiyak ng BOC, pananagutin ang mga kumpanyang sinampahan ng kaso, gamit ang mga testimonya ng mga nagreklamong OFWs at mga pamilyang nakabase sa Pilipinas.

“Para sa ating mga kababayang OFW na naging biktima ng mga nasabing kumpanya, maaari kayong makipag-ugnayan sa BOC para patibayin ang mga kaso laban sa mga nasabing mapagsamantalang consolidators at deconsolidators,” saad sa isang bahagi ng kalatas ng kawanihan.

Kasabay nito, nanawagan din si Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz sa iba pang OFWs at kanilang pamilya na makipag-ugnayan sa kawanihan kaugnay ng kanilang naiipit na balikbayan boxes.

“Maaaring mag-email sa batas@customs.gov.ph, ilagay ang [BALIKBAYAN BOXES] bilang email subject, at ibigay ang inyong contact details para sa mas mabilis na pakikipag- ugnayan.”

Hinikayat din ng BOC chief ang mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa na maging mapanuri sa pagpili ng forwarding companies na gagamitin sa pagpapadala ng balikbayan boxes, na karaniwang ina­abangan ng maraming pami­l­yang Pinoy sa tuwing sasapit ang panahon ng Kapaskuhan.

Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Marso, nasa 1.77 milyon na ang bilang ng mga manggagawang nakikipagsapalaran sa ibang bansa.

309

Related posts

Leave a Comment