KAUNA-UNAHANG CORONARY ANGIOPLASTY WITH STENTING SA OSMA, TAGUMPAY !

PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA

SA wakas, may magandang balita mula sa sektor ng kalusugan ang Ospital ng Maynila, isang pampublikong ospital na pinatatakbo ng lokal na pamahalaan, na matagumpay na nakapagsagawa ng kauna-unahang angioplasty procedures nito. Isang milestone na hindi lang teknikal o medikal, isa itong patunay na kaya pala ng gobyerno na maghatid ng advanced cardiac care kung gugustuhin.

Isipin mo, dalawang pasyente ang naligtas gamit ang procedure na sa mga pribadong ospital, nagkakahalaga ng P1 milyon hanggang P1.5 milyon. Sa Maynila, libre o halos libre ito. Walang bank loan. Walang manghihiram ng pera sa kamag-anak. Walang ibebentang lupa o alahas. Isang pampublikong ospital, funded by taxpayers, ang nagbigay ng serbisyong nagliligtas ng buhay, na hindi kailangang maging pribilehiyo ng may kaya.

Dito nagsisimula ang tunay na tanong: Kung kaya naman pala ng LGU-run hospital, bakit parang imposibleng maging abot-kaya ang angioplasty sa napakaraming pribadong ospital?

Hindi ito simpleng debate tungkol sa presyo. Ito’y tanong ng equity, accessibility, at kung paano ginagamit ang mga pondong publiko. Inilunsad ang catheterization lab ng Ospital ng Maynila noong 2025. Mula sa basic angiogram, umusad ito sa advanced heart interventions. Malinaw na kapag may malinaw na political will at hindi pinapabayaan ang pondo, pwedeng makapagbigay ang isang city hospital ng serbisyong ka-level ng top private centers.

Pero ang mas malaking kuwento rito ang epekto nito sa karaniwang tao.

Sa isang lipunan kung saan tinatawag na “middle class” ang mga taong hindi kayang magkasakit, napakalaking bagay na may ospital na nagbibigay ng proteksyon laban sa pagkalugmok ng pamilya dahil sa medical bills. Hindi luho ang isang angioplasty, literal na tanda ito kung mabubuhay ka pa bukas o hindi.

Kaya’t hindi dapat magtapos sa balita ang tagumpay na ito. Dapat itong maging hamon sa mga pribadong ospital at maging sa national government. Kung nagawa sa Maynila, bakit hindi sa iba?

Kung kaya itong gawing abot-kaya sa isang LGU, bakit hindi kayang ibaba ang presyo sa pribado?

At kung kayang maging world-class ang pasilidad ng lungsod, bakit hindi ito gawing standard sa mga ospital sa buong bansa?

Pinuri ni Dr. Grace Padilla at ng Ospital ng Maynila ang suporta ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso. Pero higit sa papuri, nararapat lang na maging modelo itong tagumpay, isang ehemplo na kapag nag-invest ang pamahalaan sa tamang lugar, hindi lang imprastraktura ang napupundar kundi pag-asa.

Sa ngayon, dalawang pasyente ang mas humaba ang buhay dahil sa serbisyong ito. Pero mas malaki ang potensiyal, isang lungsod na nagbubukas ng pinto para gawing normal ang advanced medical care, hindi mamahaling pribilehiyo.

Karapatan ang kalusugan, hindi negosyo.

At ngayon, muling pinatunayan ng Ospital ng Maynila na kaya naman pala, kailangan lang seryosohin.

***

BoC pinaigting ang laban vs Agri smuggling

Sa isang makabuluhang operasyon sa Port of Subic, muling pinatunayan ng Bureau of Customs (BOC) ang kanilang dedikasyon sa pagpigil sa illegal na pagpasok ng pagkain sa bansa.

Sa pangunguna ni Comm. Ariel F. Nepomuceno, nasabat ng ahensya ang P47.436 milyong halaga ng frozen at processed food products na maling nadeklara bilang “assorted shabu-shabu balls.”

Pinuri ni Nepomuceno ang kahusayan at determinasyon ng kanyang mga tauhan, na ginamit ang intelligence-driven enforcement upang mabantayan ang bawat shipment.

“Patunay ang matagumpay na operasyon na ito ng kahusayan at integridad ng BOC sa pagpapanatili ng seguridad sa ating mga pantalan at hangganan,” aniya.

***

Ayon kay District Collector Noel Estanislao, hindi titigil ang Port of Subic sa pagpapalakas ng kanilang mga hakbang laban sa agricultural smuggling. Kasama sa nasabat na produkto ang frozen beef, pork, manok, pato, at iba’t ibang pastry at seafood items, na malinaw na lumalabag sa batas ng bansa.

Isinagawa ang operasyon sa pakikipagtulungan ng Department of Agriculture (DA) at iba pang ahensya, na nagpapakita ng matibay na inter-agency cooperation sa pagpapatupad ng batas. Binanggit ni Nepomuceno na patuloy nilang paiigtingin ang transparency at integridad sa bawat hakbang ng enforcement.

Nagpapatunay ang matagumpay na operasyon na ito sa pangako ng BOC na protektahan ang publiko mula sa panganib ng unsafe at non-compliant na produkto, kasabay ng pagpapatibay ng kita ng pamahalaan sa ilalim ng Integrity, Accountability, and Modernization (IAM) Program.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.

74

Related posts

Leave a Comment