RAPIDO ni PATRICK TULFO
NAGPA-PANIC ngayon ang mga Pinoy dahil sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Hindi lang ang mga may sasakyan ang apektado nito, kundi lahat ng mga Pilipino dahil sa pagtaas din ng presyo ng mga bilihin.
Ito ay dahil sa pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina, tumaas ang gastusin sa pag-angkat ng mga produktong ibinabyahe sa iba’t ibang lugar.
Dahil sa kinahaharap nating krisis, nalantad na hindi handa ang ating bansa at ang Pilipinas ang nangunguna sa listahan ng mga bansang apektado ng giyera sa Gitnang Silangan.
Sa kabila ng pagtitiyak ang Malacañang na sapat ang suplay ng krudo sa bansa, ang tanong ay hanggang kailan sasapat ang ating suplay?
Ngayong walang katiyakan kung hanggang kailan ang lalo pang umiigting na giyera sa Middle East, hindi sapat na sabihing “OK pa ang bansa” hanggang sa Hunyo. Ano na ang mangyayari sa bansa kung hindi pa matatapos ang giyera sa Hunyo?
Kahit nagbigay na ng pahayag ang mga karatig na bansa ng Pilipinas na handa silang tumulong na magsuplay sa atin ng krudo, hanggang kailan tayo mag-aabang sa mga produktong maaaring ibenta sa atin? Paano kung magkaroon din ng kakulangan sa kanilang suplay, paano na ang Pilipinas?
Nakahihiya man, makikita natin na walang kahandaan ang ating mga pinuno sa mga ganitong uring krisis.
Sa sobrang abala nilang magbulsa ng pera mula sa budget para sa taumbayan, hindi man lang sumagi sa isip nila na unahin muna ang kapakanan ng mamamayan sakaling dumating ang krisis. Kawawa naman ang Pilipinas.
76 