DPA ni BERNARD TAGUINOD
MULA nang ibalik ang No Contact Apprehension Policy (NCAP) noong Lunes, nagkaroon ng disiplina sa Commonwealth Avenue, Quezon City patunay na kayang sumunod sa batas ang mga motorista kapag may kinatatakutan sila.
Dati, maiinis ka sa lansangang ito dahil kaskasero ang motor riders na bigla na lamang susulpot sa harapan mo at ika-cut ka nila bukod sa lahat ng lane ay ginagamit nila kahit may nakatalagang linya para sa kanila.
Pero noong ibalik ang NCAP, hindi na umaalis sa motorcycle lane ang mga rider at wala nang overtaking na nangyayari at maging ang bike lane ay hindi na nila dinaraanan dahil alam nilang maraming CCTV na kapag nahuli sila ay magmumulta sila.
Maging ang mga nakakotse ay nag-iingat na rin hindi tulad noong may mga motorista ang tumatakbo ng 80 kilometers per hour gayung 60 kilometers per hour lang ang pwede sa lansangan na ito, na minsan nang tinagurian bilang ‘killer highway’.
‘Yung mga pampasaherong bus at jeep, sumusunod na sila sa batas dahil nagbababa lang sila sa itinakdang babaan at nagsasakay sila sa itinakdang sakayan hindi tulad noon na nagsasakay at nagbababa sila kung saan-saang lugar.
Kaya laglag-balikat ako sa resolusyon na inihain ni 1-Rider Party-list Rep. Rodrigo Gutierrez na imbestigahan ang implementasyon ng NCAP at nais niyang ipatigil ito dahil kawawa raw ang mga motorista, lalo na ang motor riders.
Hindi ko naman siya masisisi na protektahan ang interest ng motor riders dahil constituent niya ang mga ito pero hindi ba pwedeng hayaan munang maipatupad ito lalo na’t unti-unti nang nagkakaroon ng disiplina sa mga lansangan?
Nandun na tayo sa concern ni Rodriguez na kesyo hindi pa maayos ang sistema hinggil sa paglilipat sa pangalan ng mga sasakyang nabili nang segunda mano kaya ang dating may-ari ang posibleng singilin kapag nagkaroon ng paglabag sa batas trapiko.
Problema na po ng nagbenta ng sasakyan kung hindi niya siniguro na nailipat sa bumili ang ibinenta niya. Saka madali namang maresolba iyan kung meron naman silang deed of sale at ilan lang ang mga ‘yan kumpara sa daan-daang libong naapektuhan sa walang disiplinang mga motorista at riders.
‘Yung problema rin ni Rodriguez na kulang o hindi maayos ang traffic signages ay hindi sapat na dahilan para ipatigil ang NCAP dahil siguradong kabisado ng mga motorista ang mga kalsada na araw-araw nilang dinaraanan.
Huwag masyadong i-baby ang kamoteng riders at walang disiplinang mga motorista dahil lalong aabuso ang mga iyan kapag alam nila na may matatanggol sa kanila at ang apektado ay buong bayan.
Sa Metro Manila Development Authority (MMDA) naman, huwag sanang maging gatasan ang NCAP at siguraduhin na totoong lumabag sa batas ang mga motoristang papadalhan nila ng notice at pagmumultahin. Dapat may malinaw na due process din at ang lahat ng transaksyon ay dapat online para hindi maabala ang mga tao.
