NANINIWALA ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na may “kumukumpas” sa mag-asawang kontraktor na sina Pacifico “Curlee” at Rowena Cezarah Discaya, dahilan kung bakit umano hindi buo at pabago-bago ang kanilang pahayag kaugnay ng anomalya sa flood control projects.
Ayon kay dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, tagapagsalita ni House Speaker Martin Romualdez, magkaiba ang testimonya ng mga Discaya sa Senado at sa Kamara.
“Lunes ABC ang kanta (Senado), pagdating ng Martes XYZ ang kanta (sa Kamara). Kaya mukhang may motibo itong Discaya. Ito ba ay dapat paniwalaan, ito ba ay dapat pakinggan?” ani Barbers.
Idinagdag pa niya na mismong ilang kongresista, kabilang si Quezon City Rep. Marivic Co-Pilar, ay kinompronta si Curlee Discaya sa Kamara matapos nitong pangalanan ang ilang mambabatas sa Senado, subalit natameme umano ang kontratista.
Bukod dito, pinagdudahan din ni Barbers na tanging taong 2022 lamang ang sakop ng affidavit ng Discaya, gayong nagsimula na umano silang mangontrata noon pang 2016–2017. Mula sa datos na inilantad ni Batangas Rep. Jerville Jinky Luistro, dito umano nagsimulang lumaki nang husto ang yaman ng mag-asawa.
“Bakit hindi niya isinasama ‘yon? Lalong tumitibay ang ebidensya na may kumukumpas sa kanila. Para sa akin, may ibang motibo ito, mukhang may pinagtatakpan,” dagdag ni Barbers.
Samantala, pinagtawanan din ng kongresista ang alegasyon ni Sen. Rodante Marcoleta na isang miyembro ng Kamara ang nagdikta kay Curlee Discaya para idamay ang ilang senador sa flood control scam.
“Hindi naman siguro… sino naman ang magko-coach sa kanya, di ba? Eh noong hearing nga noong Lunes, nagbanggit siya ng mga congressman na hindi pa niya nakita sa buong buhay niya. Hindi naman namin sinabi na may nag-coach,” ani Barbers.
Giit pa niya, hindi niya direktang sinasabi na politiko ang nasa likod ng “kumukumpas,” ngunit naninindigan siyang hindi totoo ang mga pahayag ng Discaya couple.
Samantala, kinumpirma ng House Infra Committee na umalis na sa protective custody ng Kamara si dating Bulacan First District assistant engineer Jaypee Mendoza noong Biyernes.
“Upon his own request, Mr. Jaypee Mendoza has left the protective custody of the House of Representatives on 12 September 2025. He expressed his wish to be with his family at this time,” ani Infra Committee lead chairman, Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon.
Si Mendoza, na kabilang sa tinaguriang “Bulacan Group of Contractors (BGC) boys,” ay humingi ng proteksyon matapos makatanggap ng banta mula sa isang umano’y “hitman” bago ito humarap sa imbestigasyon ng Kamara.
(BERNARD TAGUINOD)
