GHOST ROAD PROJECTS IMBESTIGAHAN DIN – KMP

HINDI lamang sa flood control may ghost projects, kundi posibleng nangyayari rin ito sa farm-to-market roads (FMRs).

Ito ang iginiit ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) kasabay ng panawagang imbestigahan din ang proyektong taon-taong pinopondohan ng gobyerno ngunit nananatiling may malaking backlog.

Ayon sa KMP, umaabot umano sa P15 milyon ang ginagastos ng Department of Agriculture (DA) sa bawat kilometrong FMR, dahilan para maghinala silang nalulustay din sa korupsyon ang pondo ng proyekto.

“Kahit habang buhay pa, hindi matatapos ang backlog sa FMRs kung nauuwi sa korapsyon ang pondo, tulad ng nangyari sa mga flood control projects,” ayon sa pahayag ng KMP.

Batay sa datos ng grupo, may 36,000 kilometrong backlog na katumbas ng ₱300 bilyon, kaya’t kahit patuloy pondohan ng DA ang proyekto ay tila imposibleng matapos. Noong Agosto 2025, nagpanukala ang DA ng P286.54 bilyong pondo para sa 20,000 kilometrong FMRs, kabilang ang: 7,000 kilometro sa Region 11 (Davao Region) na nagkakahalaga ng ₱65.5 bilyon
at 2,707 kilometro sa Region 2 (Cagayan Valley) na P36.5 bilyon ang halaga.

“Taun-taon pinopondohan ng bilyon-bilyon pero hindi natatapos. Saan napupunta ang pera? Kailangan maungkat kung magkano ang SOPs at kickbacks sa farm-to-market roads. Hindi dapat makaligtas ang contractors at mga pulitikong nakikinabang dito,” giit ng KMP.

Binanggit pa ng grupo na madalas na ibinubuhos ang pondo ng FMRs sa mga balwarte ng administrasyon. Halimbawa, 30% ng P1.1 bilyong FMR sa Region 1 ay nakalaan sa Ilocos Norte, probinsya ng mga Marcos, habang ₱300 milyon naman ang nakalaan sa Leyte, balwarte ni House Speaker Martin Romualdez, mula sa kabuuang ₱915 milyong FMR allocation sa Region 8.

“Kung sinasabi ng DA na FMRs ang gulugod ng food security at susi sa pagbaba ng presyo ng pagkain, bakit nila hinahayaan na magpatuloy ang sistema ng korupsyon at kapabayaan?” dagdag ng KMP.

Samantala, magsasagawa ng kilos-protesta ngayong araw ang mga magsasaka sa Kamara kasabay ng pagdinig sa panukalang P176.7 bilyong budget ng DA para sa 2026, mas mataas kumpara sa P155.6 bilyon ngayong taon.

(BERNARD TAGUINOD)

194

Related posts

Leave a Comment