Kayla Sanchez: Lahat gagawin para sa Pilipinas

SALA SA INIT, SALA SA LAMIG Ni EDDIE ALINEA

ISANG taon pa bago matupad ang pangarap ni Fil-Canadian swimmer Kayla Sanchez na dalhin ang bandila ng Pilipinas sa mga kompetisyong internasyonal.

Bagama’t purong Pilipino ang mga magulang ni Kayla na sina Noel at Susana, tubong Mabalacat, Pampanga at Bicol (ayon sa pagkakasunod), Canada ang naging pangalawa nilang tahanan sa mahabang panahon. Kaya ngayong nagdesisyon si Kayla na mag-compete para sa sariling bansa, kailangan muna niyang mamalagi rito ng isang taon upang wala nang makapigil sa kanyang goal.

At habang hindi pa pwedeng sumabak sa international competitions, nais niyang gugulin ang susunod na taon sa pagtulong na mapaunlad ang talento ng young Pinoy swimmers.

“If I’m able to inspire young kids, my fellow Filipinos in general, just to start swimming, to start sport, it means a world to me and will give actual meaning to what I do,” pahayag ni Kayla nang bumisita sa New Clark City Sports Center upang tingnan ang Aquatic Center.

“I’m always striving to get better. I’m very hardworking and I want to achieve great things for the Philippines, so let’s say gold medal and you guys can hold me to it.”

Para sa 21-anyos na dalaga: “I’m proud of my heritage, I’m proud to be a Filipino, so I’m excited with this new journey. I’m confident in what I can do and I want to bring it up here, and do it for a bigger purpose than just winning medals.”

Isang freestyle relay specialist, kakatawanin ni Kayla ang bansa sa FINA (International Swimming Federation) World Championships sa Japan matapos ang 12-buwan paninirahan sa bansa, ayon sa regulasyon sa sports kaugnay sa kanyang pagpapalit ng katapatan sa pagitan ng Canada at Pilipinas. Para sa 2024 Paris Olympics, kailangan niya ang tatlong taong paninirahan dito para makalahok, bagama’t posibleng mapaigsi ito sa tulong ng International Olympic Committee (IOC), Philippine Olympic Committee (POC) at FINA.

Si Kayla, sumabak sa 4×100 relay at 4×100 mixed relay sa nakaraang Tokyo Olympics, ay nakapag-uwi ng silver medal at bronze medal (ayon sa pagkakasunod) sa ilalim ng Canada. Sa mga nabanggit na events, kabilang ang women’s 4×200m free at 4×100m medley, nagpakitang gilas ang dalaga sa FINA World Championships na idinaos sa Hungary noong nakaraang buwan, bago siya nagpasyang dalhin ang bandila ng Pilipinas sa mga susunod niyang laban.

Hindi layon ng Sala sa Init… Sala sa Lamig na sirain o maliitin ang pag-asa sa isipan ng mga kapwa Pinoy na mawawakasan na ang halos 100-taong paghihintay natin na masundan ang nagawa ng kababayang si Teofilo Yldefonso, kauna-unahang Pinoy na nanalo ng dalawang sunod na bronze medal sa Olimpiyada noong 1928 sa Amsterdam at 1932 sa Los Angeles. Bagkus, nais lang namin ipaalala sa liderato ng Philippine sports, marami pang dapat isaalang-alang at ibigay na tulong kay Kayla para matupad ang adhikain niyang mapagsilbihan ang ating bansa sa isport na swimming.

Malaki ang pagkakaiba ng relay, isang team event, at indibidwal. Ang una ay nangangailangan ng teamwork sa apat na miyembro, at siyempre ­maliban sa talent kailangan ang sapat na paghahanda. Ang tanong: May sapat na bang talentong nadiskubre ang Philippine Swimming Inc., na makakasama ni Kayla sa international ­competitions?

‘Yan ang ating aabangan.

118

Related posts

Leave a Comment