PATAY sa tama ng bala sa ulo at katawan ang isang 25-anyos na lalaki habang naglalakad sa Tayuman St., Sta. Cruz, Manila, noong Linggo ng tanghali, Setyembre 6.
Kinilala ang biktimang si Sandanz Cano y Solomon, may live-in partner, tambay at residente sa #2125-B Molave St., sakop ng Brgy. 221, Zone 21 sa Tondo.
Mabilis namang tumakas ang dalawang lalaking magka-angkas sa motorsiklo makaraan ang pamamaril gamit ang kalibre 9mm.
Batay sa ulat ni Det. Jonathan Bautista ng Manila Police District-Homicide Section, bandang alas-12:20 ng tanghali nang ratratin ng bala ang biktima sa Tayuman St., malapit sa panulukan ng Rizal Avenue sa Sta. Cruz
Ayon sa ilang saksi, habang naglalakad ang biktima kasama ng isang lalaki, nang biglang sumulpot ang riding in tandem at ito ay pinagbabaril.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang posibleng motibo sa pamamaril at ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Napag-alaman, marami umanong record sa himpilan ng pulisya ang biktima. (RENE CRISOSTOMO)
160
