HINDI nakalusot sa mga mapanuring operatiba ng Bureau of Customs (BOC) ang panibagong tangkang pagpuslit ng droga sa bansa.
Sa pinakahuling tala ng ahensya, silat sa Central Mail Exchange sa Pasay City ang mga bagaheng naglalaman ng mga kendi at vape juice na napag-alamang sinangkapan ng marijuana.
Arestado rin ang nagpakilalang Elvira Vicente nang tangkaing kunin ang bagahe sa Central Mail Exchange gamit ang isang letter of authorization na nilagdaan ng isang Vincent Castillo na nakatalang claimant
ng naturang kontrabandong idineklarang damit at mga panregalo.
Sa imbestigasyon ng BOC sa mga mga sinamsam na bagahe, lumalabas na mayroong 20 pakete ng gummy candies na gawa sa marijuana at 49 cartridges ng THC vape ang inihalo sa mga padalang tsokolate, cosmetics at mga damit.
“Initial field test conducted by the Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF NAIA) showed that the gummies and the vape cartridges contain cannabinoid, a chemical compound found in cannabis or also known as marijuana,” ayon sa BOC.
Sa pagtataya ng kawanihan, aabot sa halagang P85,000 ang halaga ng kumpiskadong epektos na agad din namang ipinadala sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) para sa angkop na pagsasampa ng kasong paglabag ng Comprehensive Dangerous Drugs Act, bukod pa sa ihahaing asunto ng BOC kaugnay naman ng Customs Modernization and Tariff Act laban kina Vicente at Castillo.
