ISANG kasapi ng Abu Sayyaf terrorist group na sangkot sa pagdukot sa 64-anyos na Filipino American sa bayan ng Sirawai, Zamboanga del Norte, ang nadakip ng mga tauhan ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) sa Zamboanga City, habang tinutugis ang isang nakatakas na kasamahan nito.
Ayon kay PNP-AKG Director, P/BGen. Jonel C. Estomo, nadakip nila ang isa sa mga suspek sa pagkidnap sa Filipino-American farmer na si Rex Triplitt, sa ikinasang operasyon sa Barangay Arena Blanco, Zamboanga City.
Nabatid, naaktuhan ng mga tauhan ni BGen. Estomo ang itinuturong mga miyembro ng ASG kidnap for ransom unit, habang nag-aabang na naman ng kanilang bibiktimahin bandang alas-5:30 noong Martes ng hapon.
Kinilala ni Estomo ang nahuling suspek na si Anerson Manabahi Tungayao, residente ng Barangay Tapanayan, Sirawai, Zamboanga del Norte, na nahulihan ng isang M16 Armalite rifle.
Si Triplitt ay dinukot ng armadong ASG members noong Setyembre
16 ngunit nasagip ng militar at PNP noong Setyembre 30.
Target ng manhunt operation ng PNP-AKG si ASG sub-leader Injam Yadah na siyang main target ng police operation ngunit naka-alpas sa operasyon ng mga awtoridad.
Ayon naman kay P/Major Ronaldo Lumactod, PNP-AKG spokesman, ang grupo nina Yadah at Tungayao ang responsable sa pagdukot kay Triplitt.
Ibinunyag din ni Lumactod na base sa kanilang intelligence report, nakatakdang maglunsad ng panibagong kidnapping for ransom operation ang nasabing grupo ngunit napigilan ito ng pulisya bunsod ng ikinasang police dragnet operation.
Pinangunahan ni P/Lt. Col. Clarence C. Gomeyac, AKG acting chief Mindanao Field Unit, ang surveillance at police operation, kasama ang RID PRO9, RMFB9, PS6 Zamboanga City Police Office, S2 ZCPO, MIG9 at RMU9.
Nagpapanggap na construction workers ang grupo ni Yadah at Tungayao para makapaglunsad ng kanilang kidnapping at extortion activities.
Karamihan sa kanilang mga biktima ay mga negosyante sa Zamboanga Peninsula region. (JESSE KABEL)
370
