MATAPOS suspindehin, babawian ng lisensiya at posible pang makulong ang players at officials, na sangkot sa game-fixing sa nakaraang VisMin Pilipinas Super Cup.
Ipinahayag ni Games and Amusements Board (GAB) Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra na nagsampa na sila ng kasong kriminal sa Cebu Prosecutors Office kahapon laban sa players at officials ng ARQ Builders Lapu-Lapu City Heroes at Siquijor Mystics na nasangkot sa kontrobersyal na laro sa VisMin elimination round noong Abril 9.
Ayon kay Mitra, isang composite team na pinamumunuan ni GAB Chief of Professional Sports Division June Bautista ang nagtungo sa Cebu City upang pormal na magsampa ng kaso matapos ang ilang buwang imbestigasyon at pag-aaral sa mga nakalap nilang ebidensya.
“Nakapag-build up tayo ng kaso after months of investigation with the help of PNP Criminal Investigation and Detection Group and the National Bureau of Investigation,” paliwanag ng GAB chief.
“We want to teach a lesson for people who are thinking about going into sports and making money through game fixing,” dagdag ni Mitra, na tumangging tukuyin kung sino-sino ang mga kinasuhan.
Nauna nang pinagmulta at sinuspinde ng kauna-unahang pro league sa South ang players ng Siquijor Mystique na sina Jan Cedric Peñaflor, Michael John Calomot, Frederick Rodriguez, Gene Belleza, Jopet Quiro, Isagani Gooc, Juan Andre Aspiras, Desmore Joshua Alcober, Vincent Tangcay, John Peter Buenafe at Ryan Clarence Buenafes, gayundin ang head coach na si Joel Palapal at assistant coach Magenelio Padrigao. Pinagmulta rin ng P1 milyon ang naturang team.
Sa panig ng ARQ Builders, sinuspinde ng buong season at pinagmulta ng P30,000 ang player na si Rendell Senining bunsod ng pambabastos sa laro nang gumamit ng magkabilang kaliwa’t kanang kamay sa free throw line.
Nasuspinde rin sa buong elimination at pinagmulta ng tig-P15,000 sina Jercules Tangkay, Reed Juntilla, Monbert Arong, Dawn Ochea at Ferdinand Lusdoc. Habang nagmulta ng P30,000 at suspension sa buong first round si head coach Francis Auquico, at suspension at multang P20,000 sa coaching assistants na sina Jerry Abuyador, Alex Cainglet, Jon Carlo Nuyles, Hamilton Tundag at Roger Justin Potot.
Nag-ugat ang kontrobersya nang itigil ng liga ang laro ng ARQ Builders-Lapu-Lapu City Heroes at Siquijor Mystics sa halftime kung saan naitala ang 27-13 iskor. Dahil napapanood ang games sa Facebook at YouTube, na-bash ito ng husto “for lack of respect for the game.”
Mahigpit ang patakaran ng GAB laban sa game-fixing. Katunayan, kamakailan lang ay sinuspinde nito ang lisensya ni San Miguel Beer 3×3 player Daniel de Guzman matapos isnabin ang pinatawag na meeting ng ahensiya, na nais linawin ang pagkakasangkot niya sa pagbibigay ng maling tip sa laban ng SMB at Ginebra noong Setyembre 10.
Maraming tumaya sa Ginebra bunsod umano ng ‘tip’ ni De Guzman, ngunit natalo ang Kings sa Beermen, 111-102.
227 