Kini-cremate sa Manila North Cemetery 26 COVID VICTIMS KADA ARAW

UMAABOT sa 26 bangkay kada araw ang libreng isinasalang sa cremation sa Manila North Cemetery para sa mga residenteng namatay sa COVID-19.

Ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, sinimulan ang libreng cremation sa MNC noong kasagsagan ng pandemya ng nakaraang taon.

Aminado naman si Moreno na tutol ang kanyang kalooban sa pagkakaloob ng ganitong uri ng serbisyo dahil labis aniya siyang nalulungkot tuwing nakaririnig ng mga residenteng namamatay dahil sa COVID-19.

“I don’t like giving that kind of service. Hearing about deaths taking place in the city never fails to sadden me,” ayon sa alkalde.

Matatandaang alinsunod sa kautusan ng alkalde, naglabas ng memo si Manila Barangay Bureau chief Romy Bagay noong nakaraang taon at inimpormahan ang lahat ng barangay sa lungsod hinggil sa pagbibigay ng libreng cremation MNC sa sino mang taga-Maynila o sa kanilang mahal sa buhay na namatay sa COVID-19.

Nabatid kay Bagay, nakasaad sa memo na ang libreng cremation ay first-come, first-served basis para sa mga namatay sa COVID-19.

Sinabi ng alkalde, ang cremation ay isinasagawa ayon sa batas kung ang namatay ay kumpirmado o hinihinalang kaso ng COVID-19 at dapat na sunugin o ilibing sa loob ng 12-oras makaraang mamatay.

Napuna ni Moreno na ang gastos sa cremation ay umaabot sa pagitan ng P18,000 hanggang P40,000 at ang napakamahal na presyo na ito ay dagdag na pasanin pa sa mga namatayan kaya’t nagpasyang sagutin na lamang ito ng lokal na pamahalaan.

Pinayuhan ng alkalde ang lahat ng kaanak ng nasawi sa COVID-19 na makipag-ugnayan sa tanggapan ng MNC sa ilalim ni Director Roselle ‘Yayay’ Castañeda para sa schedule at kakailanganing requirements.

Napag-alaman kay Castañeda na bukod sa pagsusumite ng aplikasyon, kailangan ding magdala ang miyembro ng pamilya o kaanak ng iki-cremate ng kanyang identification card, pati ng ID ng iki-cremate, urna na sisidlan ng abo ng bangkay at temporary death certificate na pirmado ng doktor.

Kapag nakumpleto na ito ay maaari nang kumuha ng schedule ang miyembro ng pamilya mula sa MNC.

Ayon kay Castañeda, inaabot ng dalawang oras ang cremation at karagdagang 30 minuto para sa cooling time. Nabatid na karaniwang nagsisimula ang cremation ng alas-5:00 ng madaling araw at natatapos ng ala-1:00 ng madaling araw kinabukasan dahil sa rami ng sinusunog na mga bangkay.

Ang pinakamahalaga, ayon pa kay Castañeda ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagbubukas ng cadaver bag at kapag dumating ito ay agad na susunugin.

Samantala, dinalaw ng alkalde ang pagtatayuan ng Manila COVID-19 Hospital sa Luneta Park, kasama si City Engineer Armand Andres na nagsabing ang kanyang mga tauhan ay round-the-clock na nagtatrabaho upang masapol ang target na matapos ito sa loob ng 60-araw, na mismong si Moreno ang nagtakda. Dito ay kinausap ni Moreno ang mga manggagawa at pinasalamatan ang mga ito. (RENE CRISOSTOMO)

256

Related posts

Leave a Comment