BALITANG NBA Ni VT ROMANO
“UNSTOPPABLE!”
Ganito inilarawan ni Joel Embiid ang partnership nila ni James Harden.
Ito’y makaraang magkatuwang nilang binuhat ang Philadelphia 76ers sa harap ng fans sa Madison Square Garden sa New York, para talunin ang Knicks, 125-109, Linggo ng gabi (Lunes sa Manila).
Nagtala si Embiid ng 37 points at career at NBA season-high 23 free throws. Habang triple-double naman ang produksyon ni Harden, 29 points, 16 assists at 10 rebounds para sa ikalawang sunod na panalo ng Sixers.
Naglista rin ang 76ers ng 39 free throws, pinakamarami sa NBA ngayong season, kung saan si Embiid ay 23-of-27 sa free throw line, bukod sa nine rebounds.
Unang laro ito ng home-and-home series, at sa Miyerkoles, unang sabak ni Harden sa harap ng kanyang home fans.
“Tonight felt like we were in Philly,” wika ni Harden. “But that crowd, it’s going to be turned (up) in there and I’m ready for it.”
Sa kanyang debut game sa Sixers noong Biyernes, kumamada si Harden sa 133-102 win vs Minnesota. Laban sa New York, mas nakapag-adjust na siya at maayos na hinarap ng 76ers ang kalaban.
Mula sa 100-all sa fourth, umarangkada ang Philadelphia nang umiskor ng 10 nang kanilang 12 sa line. Pumukol si Embiid ng anim na free throws, may apat si Harden at ang tanging basket ng Sixers sa nasabing stretch mula sa fastbreak ni Harden galing kay Embiid.
Nang ma-fouled out kay Embiid ang dalawang sentro, naging small team ang Knicks, inilagay ng 76ers sina Harden at Embiid sa ‘pick-and-roll.’
“So now you’re rolling the big guy down the middle and it’s really difficult to come help and that’s when we got him rolling and getting all those fouls,” komento ni 76ers coach Doc Rivers.
Kumulekta rin si Harden ng five steals.
Sina RJ Barrett at Evan Fournier, tig-24 points sa Knicks, nakakalimang sunod na talo at ika-9 sa 10 laro.
Nagdagdag si Julius Randle ng 16 points, 10 rebounds at seven assists.
Si Embiid, umiskor ng 34 at si Harden, 27 points at 12 assists noong Biyernes sa kanyang unang laro sapol nang mai-trade sa 76ers, mula sa Nets kasama si Paul Millsap kapalit nina Ben Simmons, Seth Curry, Andre Drummond at dalawang future first-round picks sa February 10 trade.
Nagsanib muna sina Harden at Embiid sa unang 11 puntos ng Philadelphia. Bumato si Harden ng 3-pointer para sa 38-35 lead ng Sixers matapos ang first quarter.
Bumagal ang laro nang magpalitan ng fouls ang dalawang team, na may pinagsamang 50 fouls, kaya panay ang trip sa free throw line. Ang Philadelphia, 39-of-44 sa line, 22-of-35 naman ang New York.
WARRIORS
BINULAGA NG MAVS
GAMIT ang 26-1 run sa huling 5:05, binura ng Dallas Mavericks ang 19-point, fourth-quarter deficit tungo sa pagsindak sa host Golden State Warriors, 107-101 sa San Francisco, Linggo ng gabi (Lunes sa Manila).
Nagtala si Luka Doncic ng game-high 34 points at game-high 11 rebounds sa Mavericks, nakabawi mula sa pagkatalo sa Utah noong Biyernes (114-109).
May team-high 27 points si Stephen Curry para sa Warriors, nagtangkang sundan ang blowout win laban sa Portland noong Huwebes, 132-95.
Makaraang umabante nang hanggang 21 points at 88-74 papasok sa final period, nakakuha ang Warriors ng 3-point hoop kay Otto Porter Jr. at layup mula kay Damion Lee para i-extend ang lamang sa 19 puntos sa third minute ng fourth quarter, bago dinomina ng Mavericks ang kabuuan ng quarter.
Nagsimula ang go-ahead flurry sa 16-0 run, pitong puntos dito galing kay Spencer Dinwiddie at anim kay Josh Green.
Nag-free throw si Andrew Wiggins at pansamantalang natigil ang paghahabol at abante pa rin ang Golden State, 94-90, 6:14 sa laro, nang magbaon si Dorian Finney-Smith ng 3 pointer, kasunod ang followup sa sariling mintis at nagbigay sa Dallas ng lead.
Hindi roon natapos ang pag-ariba, may short jumper si Doncic, kasunod ang 3-pointer ni Dinwiddie tungo sa 100-94 lead ng Mavs sa huling 1:43.
Pinilit buhayin ni Curry ang Warriors sa 104-101 mula sa 3-pointer, 8.6 seconds na lang, ngunit, dalawang free throws ni Doncic sa seven-tenths of a second ang sumelyo sa ikalimang panalo sa anim na byahe ng Mavericks sa Golden State.
Tumapos si Dinwidde na may 24 points off the bench, nagsumite si Finney-Smith ng 14 at si Reggie Bullock may 12 para sa Mavericks, may 50.0% shot din sa field at na-outscore pa ang Warriors 39-33 sa 3-point range.
Sa loob ng 8 1/2 minutes, sampung sunod na shots ang sinablay ng Warriors, kasama ang pito sa 3-point range, kung saan si Curry ay 0-of-3 sa nasabing stretch, kabilang ang 0-of-2 sa 3s.
Kinumpleto ni Curry ang kanyang double-double sa team-high 10 assists, habang si Kevon Looney nagtala ng team-high 10 rebounds, eight points sa Warriors, na minalas sa free throw line, 12-for-20.
Hindi nakalaro si Klay Thompson sa Warriors sanhi ng karamdaman.
ROCKETS NAISAHAN
NG CLIPPERS
DUMAYO ang Los Angeles Clippers sa Houston at itinakas ang ga-buhok na panalong 99-98 laban sa Rockets, Linggo ng gabi (Lunes sa Manila).
Umiskor si Reggie Jackson ng game-high 26 points, nine rebounds at six assists, habang si Ivica Zubac, may double-double 14 points, 15 rebounds at 3 assists.
Nagbaon si Jackson ng pullup jumper sa huling 1:25 para ibigay sa Clippers ang lead. Kasunod nito, binutata ni Zubac, may six blocks, ang driving dunk attempt ni Christian Wood sa huling 16.1 seconds.
Nag-ambag naman si Marcus Morris Sr. ng 13 points para sa Clippers, nakakalimang panalo sa anim na laro at umangat sa ibabaw ng .500 sa unang pagkakataon sapol noong New Year’s Day.
Nanguna sa Rockets si Garrison Mathews, 17 points, kasunod sina Wood at Alperen Sengun, tig-15 points.
Habang si Jae’Sean Tate, may 14 points at six rebounds. May 10 points naman si Jalen Green at nagposte si Dennis Schroder ng double-double, 11 points, 10 assists at eight rebounds.
Naiposte ng Houston ang pinakamalaking kalamangan sa third quarter bago mag-buzzer nang ibato ni Sengun kay Josh Christopher ang bola para sa 3-point shot at 80-74 lead.
Binuksan ng Clippers ang fourth sa 13-3 run at umabante, 87-83 buhat sa tres nina Luke Kennard at Amir Coffey.
Nanatiling dikit ang laro hanggang sa huling minuto, nang selyuhan ito ni Zubac sa kanyang magandang defensive play sa rim.
Ang Rockets ay 7-of-13 sa 3-point range sa opening period at humirit ng limang 3-pointers sa 20-4 run para sa kanilang unang double-digit lead.
Naagaw ng Houston ang lead, 28-17 sa huling 1:00 ng first mula sa effort nina Eric Gordon, Mathews, Schroder at Kenyon Martin Jr.
Nag-rally ang Clippers sa second sa likod ni Isaiah Hartenstein, may 10 points mula sa 15 bench points ng Clippers sa half.
Samantala, naitakbo ng Detroit Pistons ang 127-126 OT win kontra Charlotte Hornets. Wagi rin ang Utah Jazz laban sa Phoenix Suns, 118-114. Habang 128-107 win naman ang itinala ng Indiana Pacers kontra Boston Celtics at hindi pa rin natatapos ang losing streak ng Los Angeles Lakers, nang yumuko naman sa New Orleans Pelicans, 123-95.
203
