KNOTT, UBAS KUMULEKTA NG GINTO

(NI JEAN MALANUM)

HANDANG-HANDA na sina sprinter Kristina Knott, long jumper Janry Ubas at ang batang si Hocket delos Santos sa pagsabak sa 30th SEA Games matapos magtala ng impresibong panalo sa test event sa New Clark City.

Sinungkit ni Knott ang gintong medalya sa 200-m women, habang si Ubas ay wagi sa long jump at sa pole vault event naman si Delos Santos para pangunahan ang pambansang koponan sa test event na huling torneo na dedermina sa bubuo sa 62 atletang isasabak sa athletics event ng biennial meet.

Nagtala si Knott ng 24.42 segundo upang talunin ang kababayang si Kayla Richardson (26.18), habang pumangatlo naman si Mahisin Maziah ng Brunei (27.02).

“I consider it a good time since this is just a test event. I have something to work on in the last few days before the SEA Games so I can contribute to the team come the competition time,” sabi ni Knott.

Naitala naman ni Ubas ang 7.52 meters sa men’s long jump. Tinalo ni Ubas ang mga kakamping sina Aries Toledo (7.49m) at Algin Gomez (6.83m).

Si Ubas, na may 7.88 metro personal best, ang isa sa inaasahan ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) na mananalo ng ginto sa SEA Games.

Nagpamalas naman ng husay si 2017 SEA Games pole vault silver medalist Patsapong Amsamang ng Thailand nang magtala ng 5.50 meters para sa gold medal ng pole vault laban sa kababayan niyang si Parranot Purahong (5.20 meters).

Si Delos Santos ang kumuha ng bronze medal sa pagtatala ng personal best 4.80 meters at siguruhin ang kanyang puwesto sa national team.

Wagi din sa women’s hammer throw si Panwat Gimasrang ng Thailand sa itinalang 52.59 meters, habang pilak naman si Aira Teodosio  (46.04) at bronze  si Insaeng Subenrat ng Thailand (30.57).

Nagkasya naman sa ang PH Men at Women’s 4x400m relay sa tansong medalya.

157

Related posts

Leave a Comment