KONDENAHIN ANG PAGDUKOT KAY FIDELINA VALLE!

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Dinukot ng mga miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang miyembro ng media na si Fidelina Margarita Abellanosa-Valle, 61 taong gulang, sa Laguindingan Airport sa Misamis Oriental bandang alas-10:30 ng umaga noong Linggo. Siya ay inaresto sa isang halos isang dekada nang warrant of arrest sa isang Elsa Renton na mayroon din daw alyas na Tina Maglaya at Fidelina Valle.

Ilang oras na hindi nalaman kung nasaan si Valle matapos siyang hulihin, na labis na pinag-alala ng kanyang mga kaanak, kasamahan, at mga kaibigan.

Inihayag ni Col. Tom Tuzon, director ng CIDG sa Zamboanga Peninsula (Region 9) na nasa kustodiya ng CIDG-Pagadian City si Valle bandang alas-6:00 na ng gabi. Kalaunan, ay pinalabas ni Sgt. Antonio Detolios ng CIDG sa Zamboanga del Sur na kaso ng ‘mistaken identity’ ang nangyari kay Valle sa mga media na nag-aabang kay Valle sa labas ng CIDG.

Ang aresto kay Valle sa sala ng warrant of arrest para sa ibang tao at ang pagiging incommunicado niya ng ilang oras ay tanda ng hindi lamang normal na pag-aresto ang ginawa kay Valle kundi isang pagdukot at pananakot.

Si Valle ay isang taga-suporta at advocate ng mga lumad at makatarungang kapayapaan sa Mindanao bilang miyembro ng media at bilang akademiko. Ang ginawang pagdukot sa kanya ay nagbibigay ng mensahe ng pananakot sa lahat ng mamamayang katulad niya na naninindigan para sa karapatan, katarungan, at kapayapaan lalo na ng mga aping sektor ng ating lipunan.

Susuporta ang Bayan Muna kung mapagdesisyunan ni Valle na maghain ng kaso sa mga dumukot sa kanya, upang magsilbing aral sa mga pulis at militar. Nais natin ang hustisya para sa kanya, at para sa iba pang mga taong walang-sala na ikinulong dahil sa kanilang mga adbokasiya at prinsipyo. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

138

Related posts

Leave a Comment