SA malao’t madali, mapapasakamay na ng mga magkakamag-anak ang buong kongreso lalo pa’t napipinto ang pagpasok ng mga kamag-anak ng mga nakaupong mambabatas sa lehislaturang mistula nang isang bonggang bakasyunan.
Sa totoo lang, halos sila-sila lang din naman ang nanunungkulan sa pagpapalit ng mambabatas sa tuwing halalan. Pero ang papalapit na Eleksyon 2022, ang panggulat sa mamamayan.
Dangan naman kasi, hindi na makapaghintay ang mga kamag-anak ng mga nasa Kongreso. Sa Senado, nagbabadya ang ama ni Senador Nancy Binay, ang kapatid ni Senador Pia Cayetano at ang magkapatid na anak ng dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada.
Hindi na bago ang political dynasty sa panunungkulan sa gobyerno – ehekutibo man o lehislatura.
Katunayan, 14 sa 24 na senador ay mula sa malalaki at makapangyarihang political clans. Sa Kamara del Representante, nakopo naman ng 162 kinatawang mula sa mga pamilyang may kontrol sa kani-kanilang lalawigan, congressional districts, lungsod at bayan.
Sa datos base sa resulta ng 2019 midterm election, mayroong kabuuang 163 miyembro ng makapangyarihang political clans ang nahalal bilang senador, congressman at gobernador.
Sa nasabing bilang, 88 ang mula sa Luzon, 29 mula sa Visayas, at 44 naman mula sa Mindanao.
Walang problema sa political dynasty kung mayroon namang mabuting nagagawa. Pero ilan nga ba ang totoong nagsisilbi sa bayan? Parang bilang na bilang lang dahil hindi rin lingid sa marami, kapangyarihan at pera lang ang dahilan ng kanilang pagsisikap na manatili sa pwesto.
Sa paghahain ng kandidatura nina dating Bise-Presidente Jejomar Binay, dating House Speaker Alan Peter Cayetano at ng magkapatid (pero hindi magkasundo) na Ejercito, malinaw na may problema sa sistema ng gobyerno.
Pero giit ni Senador Nancy Binay – walang problema kahit pa magdalawang Binay pa sa Senado. Sa puntiryang balik-Senado ni Cayetano, mag-aabot sila ng kapatid niyang nakaupo (oo, nakaupo lang). Ang magkapatid na Ejercito, balak pa yatang gawing entablado ng away nila ang plenaryo.
Susmaryosep! Panahon na nga sigurong bumalangkas at magpasa ng batas na magbibigay limitasyon sa kakapalan ng mukha, kundi man sa pwestong nakokorner lang ng iilan.
222 