KONSWELO DE BOBO

LUBHANG nainsulto ang mga obrero sa P33 na arawang umentong iginawad ng Metro Manila Regional Wage Board sa mga manggagawang nakabase sa National Capital Region (NCR).

Dangan naman kasi, baryang-barya ang naturang halaga kumpara sa isinusulong na P533 dagdag sa arawang kita ng sektor ng manggagawang gulugod ng ekonomiya.

Gayunpaman, hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga manggagawang Pilipino sa napipintong pag-upo ng ika-17 pangulo sa Hunyo. Sa ilalim ng umiiral na sistema, nasa pangulo pa rin naman ang huling pagpapasya kung aayunan ang rekomendasyon ng regional wage boards.

Ang totoo, hindi naman talaga kakayanin ng mga negosyanteng hindi pa halos makagulapay sa mahabang panahong tigil-operasyon bunsod ng dagok ng pandemya at krisis sa langis na dulot ng giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia, ang hinihinging P533 arawang umento sa sahod.

Subalit ang rekomendasyong P33 salary wage hike, sadyang nakakainsulto — konswelo de bobo, ika nga ng mga ekonomista.

Sa isang kalatas na inilabas ng Chamber of Commerce of the Philippine Islands (CCPI), sinabi nilang malalagay sa kompromiso ang kakayahang makipagsabayan ng Pilipinas sa iba pang bansang kayod-marino sa pangangalap ng mga negosyanteng namumuhunan.

Aysus! Parang hindi naman. Bakit kamo? Marami sa mga malalaking foreign investors ang nais magnegosyo sa Pilipinas kung saan mababa ang buwis at may bonus pang insentibo. Nahahanay rin ang Pilipinas sa mga bansang may mga pinakamahusay ng manggagawa, bukod pa sa mababang antas ng pasahod.

Malinaw ang motibo ng CCPI, ang isulong ang sariling interes.

Ano ang dapat? Hintayin ang pag-upo sa Hunyo ng bagong pangulo para sa makatwirang pagpapasya sa tadhana ng mga manggagawa.

Kung pagbabatayan ang mga plataporma ni incoming President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong panahon ng kampanya, malamang hindi makalusot ang rekomendasyon ng Regional Wage Boards.

Kung tutuusin, maraming paraan para iangat ang antas ng kabuhayan ng mga manggagawa, mga bagay na tila isinantabi kundi man hayagang binalewala ng Regional Wage Boards na may mandatong sumuri at magrekomenda ng isang makatarungang wage hike batay sa estado ng nasasakupang rehiyon.

Pwedeng dagdagan ng kaunti – kasabay ng mga probisyong libreng tanghalian para sa mga pang-araw, hapunan sa aabutin ng gabi, hatid-sundong sasakyan, at serbisyong medikal, bilang kaagapay sa patuloy na pagsirit sa presyo ng halos lahat ng bilihin sa merkado.

‘Di kailangang maging henyo para sa isang makatwirang pagpapasya. Pagiging makatao lang ay sapat na!

184

Related posts

Leave a Comment