KORAPSYON! KORAPSYON! (Gasgas na Ingay)

KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI

MULI na namang nag-aapoy na isyu ang korapsyon sa ating gobyerno. Bibigyang-diin ko ang “muli” dahil hindi lang ngayon nangyari ang mga napabalitang eskandalo at anomalya kaugnay sa dekwatan sa pondo ng pamahalaan. Paulit-ulit na lang ang mga balita tungkol dito. Lumalabas na bahagi na ng ating kultura ang nakawan sa gobyerno. At ngayon, kakabit na ring ibinibilad sa publiko ang mga ebidensya ng nakasusukang kayamanan ng mga korap na opisyales at tauhan ng estado pati na rin ang kanilang mga kasabwat sa pribadong sektor.

Pero hindi mo na kailangang lumayo upang maghanap ng halimbawa. Meron sa paligid mo na nang magsimulang magtrabaho sa pamahalaan lalo na at nakakuha ng mga sensitibong puwesto, biglang tumaas ang antas ng kabuhayan – nakapagpagawa ng malaking bahay, nagkaroon ng mga modelong sasakyan, nag-aaral sa pribadong eskwelahan ang mga anak, lantarang nagdidispley ng mga mamahaling alahas at iba pang ebidensya ng karangyaan.

Alamin mo naman kung magkano ang kanyang buwanang suweldo, tiyak na magugulat ka at magtatanong, lalo na kung walang negosyo ang kanyang pamilya – saan siya kumukuha ng maraming pera?

Walang ibang sagot – nagnanakaw siya sa pondo ng pamahalaan kasabwat ang pribadong mamamayan na may kontrata sa gobyerno. ‘Yung mga kontratista ng mga proyekto (para sa suplay ng mga kagamitan, gamot atbp, pagpapagawa ng tulay, kalye, gusali, at ang pinaka-popular ngayon – flood control).

Nitong nakaraang State of the Nation Address (SONA) noong July 28, iniutos ni PBBM na imbestigahan ang lahat ng flood control projects ng Department of Public Works and Highway (DPWH) sa ilalim ng kanyang administrasyon na may kabuuang pondo na P545 billion. Ang P100 billion o 20 porsyento ng buong pondo para sa mga flood control projects ay nasakote lang ng 15 kumpanya ng mga kontratista mula sa kanilang kabuuang bilang na 2,409 accredited contractors.

Sila ang mga big-time magbigay ng kickback o suhol sa sinomang sangkot sa proyekto – mula sa project engineer hanggang sa kaitaasan ng DPWH – upang sama-sama nilang hawsyawin ang trabaho at ang matitirang pondo ay paparte-partehin. Bukod pa ang mga kasangkot na opisyal sa ibang ahensya ng gobyerno katulad ng Commission on Audit na tatanggap din ng kanilang kabahagi sa dinekwat na pondo.

At hindi lang sa DPWH nagaganap ang dekwatan. LAHAT ng ahensya ng pamahalaan ay may kanya-kanyang raket ang mga mandarambong mula sa nasyunal hanggang sa lokal na antas.

Batay na rin sa tala ng kasaysayan, ang galamay ng korapsyon ay hindi lang nakakulong sa mga mga ahensya ng gobyerno. May mga katiwalian din sa lahat ng antas ng halal na opisyales ng pamahalaan – mula sa barangay kabilang ang Sangguniang Kabataan, lokal na pamahalaan, Kongreso, Senado, Office of the Vice President, at hanggang sa pintuan ng Malakanyang.

Hindi ko naman sila nilalahat dahil naniniwala akong mayroon pa rin sa kanila – bagama’t kumukonti na – na matapat na gumagampan ng kanilang trabaho na walang bahid ng dekwatan.

Balik tayo sa utos na imbestigasyon ni PBBM sa DPWH projects. May magaganap kayang pagbabago upang mawala na ang korapsyon sa nasabing ahensya? Honestly. Suntok ito sa buwan.

Wala tayong aasahang pagtigil ng dekwatan. Mga ilang araw lang ay wala na sa mga balita ang mga ulat ng pandarambong at hinawsyaw na multi-milyong pisong proyekto lalo na sa lalawigan ng Bulacan, Oriental Mindoro, at ang pinakahuli ay sa Benguet na personal na pinuntahan ni PBBM at natuklasan ang garapalang kapalpakan ng trabaho.

Yes, may ilang sisibaking district engineers at maliliit na tauhan ng DPWH. Ang pinahuling ulat ay nasakote ng pulisya ang isang district engineer sa Batangas sa isang entrapment operation matapos na tangka niyang suhulan ng milyones si Cong. Leandro Leviste upang hindi nito ituloy ang imbestigasyon sa DPWH projects sa kanyang nasasakupan. Ang kongresista mismo ang nagpahuli sa district engineer.

Sumasaludo ngayon ang taong-bayan kay Cong. Leviste. Parang may katropa na si Pasig City Mayor Vico Sotto. Sana nga. At sana ay dumami pa ang katulad nila sa pamahalaan.

Opps! Pero ‘yung mga matataas na opisyales ng DPWH – pasintabi sa ilang matitino – ay mananatili pa rin sa puwesto. Patuloy ang sabwatan nila sa mga kontratista at mga tiwaling opisyales ng lokal na pamahalaan, Kongreso at Senado. Muli silang maghihintay sa susunod na pagdating ng kickback mula sa kakutsaba nilang kontratista. Patuloy ang dekwatan. Ito ang isang nakasusuka at nakagagalit na reyalidad.

Ang nagbabagang isyu ngayon ng korapsyon sa gubyerno ay isa lang gasgas na ingay. Mawawala lang ito pansamantala at muling magbabalik sa isa namang yugto ng bagong alingasngas.

Teka, baka naman seryoso ngayon si PBBM sa kanyang hangaring wakasan ang dekwatan sa DPWH sa ikaapat na taon ng kanyang administrasyon? Sana nga. Pero eskeptiko ako. Matanda na ako sa larangan ng pamamahayag at nakikita kong lalong lumalala ang nakawan sa salapi ng taong-bayan sa bawat dumaraang panahon.

##########

Now, muli kong itatanong ito. Sino ba ang dapat sisihin kung bakit bulok at patuloy na nabubulok ang ating pamahalan dahil sa dumadaming korap sa hanay ng mga nasa serbisyo sibil partikular ang mga inihalal na opisyales sa lokal hanggang nasyunal na antas?

At muli ay uulitin ko – walang ibang dapat sisihin kundi TAYO rin. Tayong mga mamamayan ang nagluklok sa kanila sa puwesto pagkatapos natin silang iboto sa bawat eleksyon. At ano ang basehan ng maraming botante sa kanilang pagboto? Kailangang namimigay ng pera at iba pang porma ng pamimili ng boto ang kandidato para isulat ang kanilang pangalan sa balota. Kesehodang korap at manderekwat ng pondo ang kandidato, basta’t namigay ng pera sa panahon ng kampanyahan, kahit pikit ang mata ay iboboto sila na nakangiti pa.

Dahil gumastos nang malaki na hindi kayang bawiin sa pamamagitan lang ng suweldo sa buong panahon ng panunungkulan, ano ang gagawin ng nagwaging politiko para makabawi? MAGNANAKAW sa pondo ng gobyerno. Sa paanong paraan? Bukod sa panderekwat sa pondo ng sariling opisina, ilalagay pa nila ang kanilang mga bata sa mga sensitibong puwesto – ‘yung may malaking pondo ang tanggapan – upang gumawa pa rin ng panderekwat,

Isa pang ugat ng korapsyon sa hanay ng mga halal na opisyales ng pamahalaan ay ang magastos na sistema ng eleksyon. Bakit kailangang gumastos nang malaki ang kandidato sa kanilang pangangampanya na pinahihintulutan ng batas? Para sa campaign posters, political ads sa radyo, telebisyon at social media?

Marami namang paraan ang Comelec upang makilala ang bawat kandidato nang hindi gagastos ang mga ito. Tutal adik ang mga Pilipino sa Facebook, magagamit ito ng gobyerno sa pagpapakilala sa bawat kandidato kasama na ang kanilang plataporma kung sakaling sila ay magwawagi sa halalan. Makatutulong din ang civic groups sa bawat lokalidad sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng pulong talakayan at campaign rallies na dadaluhan ng mga kandidato upang makilala at marinig ng mamamayan ang kanilang gagawin kapag sila ang nanalo.

Kung walang malaking kagastusan ang kandidato, walang dahilan upang sila ay mandekwat, mapuwera lang kung talagang sagad sa buto ang pagkadorobo. Matapat silang makapaglilingkod sa taong-bayan at maraming maghahandog ng kanilang sarili upang pagsilbihan ang bayan.

Kung gusto nating wakasan ang korapsyon sa ating pamahalaan, tayong mga mamamayan ang gumawa ng unang hakbang. Iboto natin ang mga karapat-dapat na manungkulan sa pamahalaan at iwaksi ang mga kandidatong magnanakaw lang sa salapi ng taong-bayan.

Gasgas na rin ang panawagan kong ito. Pero magpapatuloy ako. Naniniwala akong hindi dapat isuko ang isang makabuluhang layunin.

61

Related posts

Leave a Comment