TARGET ni dating Olympian Charly Suarez mapanatili ang World Boxing Association (WBA) Asia super featherweight title laban sa kababayang si Carlo Magali.
Magaganap ang laban ng dalawa sa Oktubre 23 sa Elorde Boxing Center sa Parañaque City.
“Ready naman tayo. Since nasa national team ako, tinandaan ko na maihanda ang sarili ko physically and mentally. Pero sa haba ng experience ko, idinagdag ko na kailangan handa rin tayo
spiritually,” pahayag ng 33-anyos na tubong Sawata, Davao del Norte sa kanyang pagbisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ sa Behrouz Persian Cuisine sa Queozon City.
“Kailangan sa bawat laban natin sa sports man at sa buhay, dapat kasama natin ang Panginoon. Ito ang lagi kong sinasabi sa mga kapwa boxer ko at sa mga batang atleta. Kailangan nating magsanay at maghanda pero huwag nating kalimutan na samahan lagi ng pagdarasal,” dagdag ng multi-medalist sa Southeast Asian Games bago napasabak sa 2016 Olympics sa Rio de Janeiro, Brazil.
Kasalukuyang No. 36 ang ranking ni Suarez sa World Boxing Council (WBC) super featherweight, na tangan ngayon ni American star Shakur Stevenson.
Kasalukuyang may 12-0 record si Suarez, tampok ang pitong knockout kabilang ang 12th round TKO kay Tomjune Mangubat na nagkaloob sa kanya ng WBA Asia belt.
“Malakas din si Carlo (Magali). Malaking pangalan na rin siya sa Philippines boxing kaya hindi rin kami nagpapasiguro, basta tuloy lang kami sa programa namin,” sambit ng dating amateur internationalist at ngayo’y coach na si Delfin Boholst sa lingguhang forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC), Games and Amusements Board (GAB), Pagcor at Behrouz Persian Cuisine.
Hawak ni Magali ang ring record 25 wins (13KOs). Nakatakda sana siyang lumaban sa South Africa noong Aug. 21 ngunit nakansela ang duwelo niya kay Ayanda Nkosi para sa World Boxing Federation (WBF) lightweight title.
Isa sa malalaking panalo ni Magali ang KO victory kay Davey Browne, Jr., para sa International Boxing Federation (IBF) Pan Pacific super featherweight belt sa Australia. Naging kampeon din ang Pinoy sa Oriental and Pacific Boxing Federation (OPBF). (DENNIS IÑIGO)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)