MAS nais ng ilang residente na unahin ang paglutas sa talamak na korupsyon kaysa ang pagpapatibay ng anti-political dynasty law, ayon sa lumabas sa unang public consultation ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms sa Carmona City.
Sa isinagawang konsultasyon sa Carsigma Gym na dinaluhan ng mahigit 1,500 katao mula sa iba’t ibang sektor, maraming kalahok ang nagsabing hindi political dynasty kundi katiwalian ang mas malaking suliranin ng bansa.
Ibinahagi ni John dela Cruz mula General Mariano Alvarez na dating kilala bilang dumpsite ang Carmona ngunit napaunlad umano ito ng mag-asawang Loyola na nagpalitan sa puwesto bilang kinatawan at alkalde.
Giit ni dela Cruz, ang ugat ng problema ay nasa national government at hindi sa local political dynasties, partikular sa mga ahensiyang aniya’y inuugnay sa katiwalian.
“Why don’t you craft a law that would make rules stricter, lower the threshold for malversation of public fund down to P500,000, plunder down to P1 million, and let’s see if someone from the national government would steal,” pahayag niya.
Pareho rin ang pananaw ni Beth Biohon na nagsabing ang botante pa rin ang pumipili ng lider at basta may nagagawa at walang bahid korupsyon, tinatangkilik ng mamamayan kahit mula sa political dynasty.
Sa kabilang panig, iginiit ni Christine Quillosa ng Bagong Alyansang Makabayan-Cavite na ang political dynasty ang ugat ng korupsyon dahil aniya, iilan lamang ang humahawak sa kapangyarihan.
Ayon kay House Committee Chairman at Lanao del Sur Rep. Zia Adiong, ipagpapatuloy ang public consultation sa Cebu at Cagayan de Oro upang marinig ang boses ng mamamayan.
“Dinala po namin ang pagdinig sa labas ng Kongreso dahil malinaw ang sinasabi ng Saligang Batas: sovereignty resides in the people,” ani Adiong.
(TINA MENDOZA)
13
