ISAN sasakyan ang nasunog habang bumibiyahe sa national road sa Barangay Loob sa San Antonio, Quezon nitong Linggo ng hapon.
Ang nasunog na sasakyan ay isang kotse na minamaneho ng 22-taong-gulang na residente ng Brgy. Bawi sa Padre Garcia, Batangas.
Ayon sa ulat mula sa San Antonio Police Station, pasado ala-1:00 ng hapon nang mapansin ng nagmamaneho na may lumalagablab na apoy mula sa likurang bahagi ng sasakyan habang tinatahak nito ang kalsadang patungong bayan ng Padre Garcia.
Agad itong huminto sa gilid ng daan at lumabas ng sasakyan upang iligtas ang sarili.
Makalipas lamang ang ilang sandali, tuluyan ng nilamon ng apoy ang buong sasakyan.
Sa kabutihang palad, walang natamong pinsala ang nasabing driver at ang establisimentong nasa gilid ng kalsada na kung saan nasunog ang sasakyan.
Iniimbestigahan pa ng Bureau of Fire Protection ng San Antonio ang pangyayari upang matukoy ang sanhi ng sunog.
(NILOU DEL CARMEN)
