BAGAMA’T lumamig ang isyu ng pagpapalit ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, tuloy pa rin ang regional bloc congressmen sa paglalabas ng manifesto ng pagsuporta kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III.
Kahapon ay huling naglabas ng manifesto ang 39 Visayan bloc congressmen sa liderato ni Dy na naluklok sa pwesto noong September 17, 2025 bilang Speaker matapos mag-resign si dating Speaker Martin Romualdez sa gitna ng anomalya sa flood control projects kung saan nakaladkad ang kanyang pangalan.
“With full responsibility to our constituents and fidelity to our oath, we declare our support for Speaker Faustino ‘Bojie’ G. Dy III and the reforms he has set in motion. We believe that under his leadership, the House can restore its moral compass, reclaim its credibility, and return to its duty of serving the Filipino people with integrity,” ayon sa manifesto ng Visayan bloc.
Pinangunahan ng nasabing grupo na mula sa iba’t ibang partido ang manifesto nina Deputy Speaker Ferjenel Biron (4th District, Iloilo); Senior Deputy Majority Leader Lorenz Defensor (3rd District, Iloilo); Reps. Alfredo “Albee” Benitez (Lone District, Bacolod City) at Vincent Franco “Duke” Frasco (5th District, Cebu).
Bago ito, naglabas ng kahalintulad na suporta ang 67 congressmen mula sa Mindanao bloc at 30 sa 33 congressmen sa Metro Manila at maging ang 39 mula sa Northern Luzon Alliance at 44 sa 63 Party-list Coalition congressmen.
“Despite this significant challenge, your calmness, sincerity, and principled approach have been a unifying force within the chamber,” ayon pa sa nasabing mga mambabatas mula sa iba’t ibang region.
Gayunpaman, ilang congressman mula sa ibang rehiyon tulad ng Region IV-A kung saan mula si Deputy Speaker Ronaldo “Ronnie” Puno na unang napaulat na papalit kay Dy ay hindi pa naglalabas ng manifesto.
Noong panahon ni Romualdez, naglalabas ng manifest of support ang mga kongresista sa pamamagitan ng kanilang partido kapag may mga ugong ng kudeta sa Kamara subalit ngayon ay idinadaan na lang ito sa mga regional bloc.
Tumanggi ang kampo ni Dy na sagutin kung may banta sa posisyon nito, habang patuloy naman ang mga mambabatas sa pagpapakita ng suporta.
(BERNARD TAGUINOD)
80
