RAPIDO NI TULFO
NAGPAPATULOY pa rin ang imbestigasyon na isinasagawa ng Committee on Overseas Workers Affairs sa House of Representatives hinggil sa isyu ng abandonadong balikbayan boxes.
Ang titulo ng House Resolution No. 499 ay “An inquiry in aid of legislation, into the reported fraudulent activities and scams of fake or unscrupulous international freight forwarders and their local counterparts victimizing overseas Filipino workers”, at ang may akda nito ay si Rep. Marissa Del Mar-Magsino ng OFW party-list.
Sa titulo pa lang ng HR No. 499 ay malalaman na kulang sa kaalaman ang may akda nito dahil sa paggamit ng salitang fake or peke.
Dahil wala pong pekeng international freight forwarders o cargo company, na aming napag-alaman sa loob ng tatlong taon nang pagtanggap namin sa mga reklamo ukol sa abandonadong balikbayan boxes sa Customs.
Sa UAE halimbawa, hindi po pwedeng magsimula ang isang negosyo na walang karampatang mga dokumento mula sa gobyerno.
Samakatuwid, hindi po pwedeng tawaging peke ang isang negosyong may mga permit mula sa gobyerno, ‘di po ba?
Maging dito sa atin sa Pinas ay hindi pwedeng mag-operate ang isang cargo forwarder o deconsolidator nang walang kaukulang permits mula sa gobyerno.
Hindi po mailalabas ng sinoman ang containers na naglalaman ng balikbayan boxes kung wala pong maipipresentang mga dokumento ang mga naglalakad nito.
Sa ilang kasong nahawakan namin ukol dito, napag-alaman namin na ang local counterparts ng cargo businesses sa ibang bansa ay biktima rin.
Isang halimbawa ay ang Cargoflex na pag-aari ni Mr. Arlie Tero, sila ang local partner ng Allwin cargo mula Dubai, UAE.
Matagal na sa larangan ng cargo si Mr. Tero at nagkaproblema lang nang hindi na sila binabayaran ng Allwin para sa mga kahon na ipinadadala sa kanila para i-deliver.
Napilitan ang kanyang kumpanya na abandonahin ang containers na naglalaman ng balikbayan boxes mula Allwin dahil lumolobo na ang utang nito sa kanila.
