MAGUINDANAO – Umabot sa 11 miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF), kasama na ang kanilang kumander, ang nagbalik-loob sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagsuko sa tropa ng 33rd Infantry Battalion ng Joint Task Force Central sa Barangay Kuloy, Shariff Aguak, Maguindanao.
Ayon kay Lieutenant Colonel Benjamin Cadiente Jr., Commanding Officer ng 33IB, ang pagsuko ng mga dating rebelde ay bunga nang walang humpay na operasyon ng militar at sa negosasyon ng lokal na mga opisyal na pinangunahan nina Kapitan Remmy Degay ng Brgy. Kuloy, at Kapitan Mohamad Dawaling ng Brgy. Tapikan sa bayan ng Shariff Aguak, Maguindanao.
Kasabay na isinuko ng mga ito noong Agosto 13 ang bitbit nilang matataas na uri ng mga armas at mga pampasabog.
Sinabi ni Colonel Pedro C. Balisi Jr., Commanding Officer ng 1st Mechanized Brigade, pinoproseso na nila ang mga sumuko para mailista sa AGILA-HAVEN Program ng pamahalaang lokal ng Maguindanao na nagbibigay ng pinansyal na tulong para makapagsimula sila ng bagong buhay.
Pinuri naman ni Major General Juvymax Uy, Commander ng JTF Central at 6th Infantry Division, ang tropa ng 33IB at ang hakbang na ginawa ng kumander at mga miyembro ng BIFF na magbalik-loob sa gobyerno.
Senyales lamang aniya ito na humihina na ang hanay ng mga rebelde at unti-unti nang makakamit ang kapayapaan sa bahaging ito ng Mindanao. (BONG PAULO)
