MEYCAUAYAN CITY, Bulacan- Patay sa pananambang ang kumandidatong alkalde ng lungsod na ito noong 2019 matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay ng motorsiklo nitong Linggo ng tanghali sa Brgy. Banga.
Kinilala ni P/Lt.Col. Bernardo Pagaduan, hepe ng Meycauayan police ang biktima na si Ryan Afable Cayanan, 45-anyos, may asawa, negosyante at naninirahan sa nasabing barangay.
Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-12:30 ng tanghali nang pagbabarilin ng dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo ang biktima habang binabagtas nito ang kahabaan ng Mac Arthur sa Brgy.
Banga lulan ng kanyang motorsiklo.
Tatlong tama ng bala mula sa cal .40 ang tumama sa iba’t ibang parte ng katawan ng biktima at tumapos sa buhay nito.
Blangko pa ang pulisya sa motibo ng pamamaril sa biktima, ngunit ayon sa inisyal na imbestigasyon, bago binaril ang biktima ay nag-post pa ito sa kanyang Facebook account ng “Lahat nang galaw ko may CCTV Footage kayo, mga kababayan, kapag may nangyari po sa aking masama, alam nyo na po sino may gawa…ang nais ko lamang po patas na pagbabago para sa Meycaueño, magiging masaya po akong mamatay para sa inyo”.
Si Cayanan ay kumandidatong mayor ng Meycauayan noong 2019 at naging mahigpit siyang kalaban ng nanalong alkalde na si Mayor Linabelle Villarica. (ELOISA SILVERIO)
321 