KUMPANYA NA NAG-ABANDONA SA KANILANG MGA OBRERO PANAGUTIN

UMAPELA sa Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga mambabatas sa Kamara na habulin at panagutin ang isang construction company na nag-abandona umano sa kanilang mga manggagawa sa Pasig City.

Ayon kina ACT-CIS party-list Reps. Nina Taduran at Eric Yap, bukod sa pag-aabandona ng Cecon Corporation sa kanilang 106 construction workers, ay pinasisilip din sa DOLE ang paglabag nito sa minimum wage law.

Nabatid na pinuntahan ng mga nabanggit na mambabatas ang contruction site sa Exhange Square project sa Exchange Road, Ortigas, Pasig City, matapos maglabas ng video ang mga construction worker sa social media na humihingi ng pagkain.

Lumalabas na inabandona umano ng kumpanya ang mga manggagawa nang magpatupad ang gobyerno ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong Marso 15, 2020.

“Cecon did not even bother to think that they left hungry workers at their construction sites. Ni hindi raw sila sinilip nitong project manager na si Engineer Gerry Villanueva o kahit yung mga subcontractors nila,” ani Taduran.

Sinabi umano ni Junrel dela Cruz, spokesman ng mga contruction worker na pinasasahod lamang ng P375 kada araw ang mga laborer habang P475 naman sa mga karpintero na malayo sa P537 na minimum wage Metro Manila.

Tinangka umano ng grupo na humingi ng tulong sa DOLE nang malaman ng mga ito na magbibigay ang ahensya ng P5,000 kada apektadong empleyado subalit sinabihan ang mga ito na ang kanilang kumpanya ang dapat mag-apply para sa kanila.

“How can they apply if they are violating the minimum wage law and their workers don’t have social and health insurances as well?,” ani Taduran kaya dapat umanong panagutin ang nasabing kumpanya.” BERNARD TAGUINOD

442

Related posts

Leave a Comment