KUMPISKASYON NG LUXURY VEHICLES NG BOC PAPOGI LANG?

PUNA ni JOEL O. AMOGO

NA-PUNA natin kung bakit nakalulusot ang luxury vehicles papasok sa bansa nang hindi nalalaman ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC).

Ang tinutukoy po natin ay ang nakumpiska ng mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service at Manila International Container Port (CIIS-MICP) ng Bureau of Customs (BOC), na luxury vehicles sa isang warehouse sa Makati City noong nakaraang araw.

Ang mga ito ay kinabibilangan ng Ferrari, Porsche at McLaren na nagkakahalaga ng 366 milyong piso.

Nitong nakaraang Pebrero 13, 2025, nakasabat din ang BOC ng luxury vehicles na aabot ng 1.4 bilyong piso sa Pasay City at Parañaque City.

Sinabi ng Customs, ang kumpanyang ACH High-End Motor Service Center na nasa J. P. Rizal St., Makati City, ang seller ng mga mamahaling sasakyan.

Ayon kay CIIS Director Verne Enciso, sinalakay ng CIIS-MICP team, kasama ang Task Force Aduana, at Philippine Coast Guard (PCG) ang kumpanya para isilbi ang Letter of Authority (LOA) sa may-ari nito para malaman kung mayroong kaukulang mga dokumento ang pag-angkat ng nabanggit na mga sasakyan.

Kabilang sa mga sasakyang ito ay ang Ferrari 488 Spider, Ferrari 812 Superfast, Porsche Targa, Mercedes-Benz G63 AMG, BMW M4, Lexus LC500, Porsche Cayenne, Bentley, Bentayga, Land Rover Defender, Audi RS Q8, McLaren 72OS, Ford Explorer, Li Xiang L7 SUV, Abarth 595 Competizione, MV Agusta Brutale 1000RR motorcycle, at dalawang van na Toyota Alphard.

Sinabi naman ni Deputy Commissioner for the Intelligence Group Juvymax Uy, kailangan ang mas maigting na hakbang laban sa mga smuggler.

Ganoon ba, sir? Eh yung “tara system” sa Customs hindi n’yo masawata dahil marami ang nakikinabang, smuggling pa kaya ang masawata nyo?

Mismong si Customs Legal Service Director Atty. Tristan Langcay ay todo tanggi na may “tara” sa BOC, sa isinagawang pagdinig ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, kahit na inamin nina dating Customs Commissioner Isidro Lapena at Comm. Nicanor Faeldon.

Pilit na inililihis nito ang isyu para makalusot siya sa paggisa ni Antipolo City Rep. Romeo Acop at iba pang mga mambabatas sa Kamara.

Kahit anong gawin niyong kunwaring papogi na may nakukumpiska kayong mga mamahaling sasakyan, kung hindi naman mawawala ang “tara” riyan sa BOC ay hindi pa rin maaalis na ang Customs ay isa sa pinaka-corrupt na tanggapan ng gobyerno.

Sa 27 bilyong piso kada taon na nawawala sa gobyerno, hindi biro ang perang ito, sa laking halaga nito ay maraming mahihirap na pamilyang Pinoy ang mapapakain nito.

Maraming nagtataka kung bakit sa rami ng mga mamahaling sasakyang ito ay nakalulusot ang mga ito sa mga taga-Customs.

Hindi naniniwala ang mga Pilipino na walang kasabwat ang mga smuggler sa Bureau of Customs.

Kung hindi sana inalis ang Economic Intelligence and Investigation Bureau (EIIB), ang mga kontrabando na nakalulusot sa Customs ay masasabat sana nito.

Sabi tuloy ngayon ng ating mga tagasubaybay, parang naglalaro lang ang mga taga-Customs, kahit anong gawin nila sa mga kontrabando ay nagagawa nila.

Wala naman daw napapala ang gobyerno sa pagkumpiska ng luxury vehicles dahil sinisira lang naman ito ng Customs. Sinisira nga ba lahat?

oOo

Para sa reklamo at suhestiyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.

26

Related posts

Leave a Comment