KUMPIYANSA AKO DAHIL MAY OPLE SA GABINETE – PBBM

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

BILANG isang OFW at mamamayang Pilipino na sumuporta sa kandidatura ni Pangulong Ferdinand “PBBM” Marcos Jr., ay talagang inabangan ko ang kanyang pormal na panunumpa o inauguration. Sa simula pa lamang ng kanyang pananalita ay talagang nadama ko ang pagtayo ng ­aking balahibo dahil tila ang aking napapanood ay ang kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Bawat bitaw ng salita ni PBBM ay kaabang-abang dahil dito nakalatag ang tatahakin ng ating bagong gobyerno. Bilang OFW ay inaabangan ko talaga ang kanyang magiging mensahe para sa mga OFW na katulad ko. Kung kaya labis-labis ang aking kaligayahan na binigyang-pansin at diin niya ang kahalagahan ng ginagampanan ng bawat OFW.

Bukod kay Vice President Sara Duterte na binanggit na kalihim ng edukasyon, ay tanging si Sec. Ople lamang ang nabanggit ni PBBM. Ayon nga kay PBBM, “Simula bukas ay magkakaroon ng malaking pagbabago. Kumpiyansa ako dahil mayroon akong Ople sa aking Gabinete”. Ang pagpapahalagang ito ay tumutukoy kay Secretary Susan “Toots” Ople ng bagong Department of Migrant Workers (DMW). Patunay lamang ito ng pagpapahalaga ni PBBM sa mga OFW at marahil ay kasiguruhan ito na may magagandang plano ang ating bagong pangulo para sa ating mga OFW.

Ganito rin kasi ang malimit na binabanggit ni Sec. Ople sa tuwing siya ay aking nakakausap na mahigpit ang tagubilin o marching order ni PBBM para pangalagaan ang karapatan at kapakanan hindi lamang ng mga OFW kundi pati na rin ang kanilang pamilya.

Sa nakaraang pormal na pagbubukas ng OFW Hospital, ay binanggit din ni Sec. Ople na kanyang sisiguruhin na ang pagseserbisyo sa mga OFW ay serbisyong parang nasa pribadong ospital at dapat ay libre para sa mga OFW at kanilang pamilya.

Malaki ang tiwala ng sektor ng OFW na patuloy na magiging maayos ang pagtrato ng ating ­gobyerno sa ating mga OFW sa ilalim ng pamumuno ni PBBM at Sec. Ople. Marahil ay dapat nating simulan ang kahilingan ni PBBM para sa ating lahat na dapat ang mga Pilipino ay magkaisa at magsama-sama. Dapat nating suportahan ang ating bagong liderato katulad ng binigyan diin ni PBBM na “Ang pangarap ninyo, ay pangarap ko.” Na ang kanyang ibig ipahiwatig ay magkakasama at magkakasabay tayong tatahak sa bagong landas para sa pagbabago at pag-unlad ng ating bansang Pilipinas.

Simula bukas ay manunungkulan na bilang bagong kalihim ng Department of Migrant Workers si Secretary Toots Ople. Hangad ng bawat OFW ang kanyang tagumpay, dahil ang kanyang pangarap para sa mga OFW, ay ang pangarap din ng bawat isang OFW. Ang kanyang tagumpay ay sagisag ng pagkakaisa at tagumpay ng bawat Pilipino, saan mang sulok ng mundo.

***

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.

203

Related posts

Leave a Comment